PBA Fiesta Conference: No.2 paglalabanan ng Alaska at Coca-Cola

Alin sa dalawa? Didiretso sa quarterfinals o babagsak sa wild card phase?

Ito lamang ang dalawang direksiyong maaring patunguhan sa magi-ging resulta sa crucial playoff sa pagitan ng Alaska Aces at Coca-cola sa Gran Matador PBA Fiesta Conference sa Araneta Coliseum.

Ang daan patungong quarterfinals ang pag-aagawan ng Aces at Tigers sa kaisa-isang laro ngayong alas-7:10 ng gabi.

Maaliwalas ang daang ito dahil ito’y patungo sa quarterfinal round kung saan naghihintay na ang San Miguel Beer na nagtapos na No. 1 sa eliminations bunga ng kanilang 16-2 karta.

Bukod sa makakapagpahinga ang team na aangkin ng huling auto-matic quarterfinal slot na biyaya sa top two teams, magkakaroon ito ng sapat na panahong makapaghanda sa susunod na round kung saan papasok ang dalawang foreign teams.

Dahil mahalaga ang larong ito, nakasalalay kina Alaska import Galen Young at Coke reinforcement Mark Sanford ang magiging kapalaran ng kanilang koponan.

Ang matatalong koponan ay dadaan naman sa mabigat na pagsubok sa wild card phase ngunit may konsuwelong twice-to-beat advantage kasama ang Talk N Text.

Bagamat tinapos ng Aces, Tigers at Phone Pals ang elimination sa 11-7 record, ang dalawang teams na may pinakamataas na quotient lamang ang biniyayaan ng playoff at ’yan ay ang Alaska na may +41 at Coke na may -14. Ang Phone Pals ay may -27.

Show comments