Pinatid ng Hotdogs ang six-game losing streak nila noong Miyerkules nang tambakan nila ang Shell Velocity, 107-91. Sa larong yon ay kitang-kita ang gusto at determinasyon ng Hotdogs na makaahon sa hukay. Halos lahat ng manlalarong ginamit ni coach Paul Ryan Gregorio ay umiskor.
Ani Gregorio matapos ang laroy kaunting coaching lang ang ginawa niya at sa halip ay hinayaan na lang niyang mag-enjoy ang kanyang mga players. Kasi nga raw, kahit na seryosong-seryoso sila sa mga nakaraang games ay hindi pa rin nila magawang manalo. So mas mabuti na nga yung maging masaya na lang sila sa paglalaro.
Idinagdag ni Gregorio na nabawi ng locals ang kanilang kumpiyansa. Kasi nga, sa mga nakaraang games, parang nawawalan ng gana ang locals ng Purefoods kapag nagkakaroon ng foul trouble ang kanilang import. Napatunayan daw ng mga locals na kaya pa rin nilang ipanalo ang game kahit na hndi dominant ang kanilang import.
Puwes, humupa ang saya sa dibdib ng Hotdogs noong Sabado nang sila naman ang tambakan ng Barangay Ginebra, 117-89.
First quarter pa lamang ay nilayuan na ng Gin Kings ang Hotdogs at hindi na nakabangon ang tropa ni Gregorio. Kumbagay hindi nakagawa ng sapat na adjustments si Gregorio sa magandang simula ng Ginebra.
Sa umpisay nakipag-match up si Ginebra coach Siot Tangquingcen sa tangkad ng Hotdogs subalit nang makitang kayang takbuhan ang kalaban, ito ang ginawa ng Gin Kings. Kaya naman hindi nakasabay ang Purefoods at pupugak-pugak sila sa dakong huli.
Maraming nagsasbaing nahihirapan talaga si Gregorio na hanapin at ilabas ang strong point ng kanyang koponan dahil tila wala, e. Hindi masasabing matangkad na team ang Purefoods dahil wala silang dominant big man. Ang dapat sanang pumapel dito ay ang kanilang bagong import na si Tyrone Washington subalit puro dada lang yata ito at kulang sa gawa.
Hindi rin masasabing mabilis ang Purefoods dahil si Paul Artadi lang naman ang tumatakbo dito. Kung sabay sila ni Noy Castillo, hindi malaman kung tatakbo sila o magsasagawa ng set plays. Hindi rin masasabing pisikal maglaro ang Purefoods dahil wala naman talaga silang enforcer type na player.
Kailangan siguro sa Purefoods ay defensive game ang ilaro, idikta ang tempo, pababain ang score ng kalaban at sa duloy tapakan ang silinyador!
Kung sabagay, wala namang matatanggal na team sa pagtatapos ng qualifying round. Pero kung tenth place ang kasasadlakan ng Pureoods, mahihirapan itong makausad sa quarterfinal round.
Alam ni Gregorio ang kasabihan na sa PBA "a coach is just as good as his last job." Kailangang maremedyuhan niya ang problema ngayon dahil baka magsawa na sa pagkatalo ang management.