Ang 25 anyos na si Tanamor ng Philippine Army ay magaan na umabante sa quarterfinals ng 48 kg. (flyweight) makaraang bugbugin ang Sri Lankan na si Harsha Kumara para sa Referee Stopped Contest Outscored (RSC-OS), 25-5, na sapat na dahilan upang magsaya ang Pambansang delegasyon na pinondohan ang biyahe dito ng Alaxan FR, Philippine Sports Commission (PSC), Pacific Heights at Accel.
Ngunit mabilis na naputol ang pagdiriwang nang sorpresang mabigo si Junard Ladon kay Terukado Shoyama ng Japan, 20-33, sa 57 kg. (featherweight) bout na malinaw na panalo ng Pinoy.
"Hindi kaya nagkabaligtad yung score," pagtatakang wika nina RP coach George Caliwan at Pat Gaspi.
Sa apat na rounds ang tubong-Bago City na si Ladon ay nakipagpalitan ng matatalim na suntok at mas madalas na nakakapagbigay ng mas matinding suntok at epektibong kombinasyon ang Pinoy sa kalabang Hapones.
Ngunit laking pagkadismaya ni Ladon at ng RP delegation nang ibang pangalan ang idineklarang winner matapos ang laban.
Nagpahayag din ng pagkadismaya si Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) president Manny Lopez sa nangyari ngunit pinagsabihan sina Tanamor at Basadre na maging pokado pa rin sa mas malaking laban na nakatakda sa kanila.
Makakaharap ni Tanamor ang malakas na Kazakhstan pug na si Abdraimov Nurlan, na nagwagi naman kay Malaysian Zamzai Azazi Mhd., 34-16 sa preliminary round.