Tour Pilipinas 2004: Tapos na ang laban -Tanguilig

TARLAC City -- Hindi naman pala nagkamali si Rhyan Tanguilig sa kanyang desisyong magbitiw sa kanyang trabaho, dalawang taon na ang nakakaraan at ituon ang kanyang pansin sa pagbibisikleta dahil makakamit na ng PLDT team captain ang kapalit ng kanyang paglihis ng direksiyon sa buhay.

Pagkatapos ng penultimate stage ng 2004 Air21 Tour Pilipinas kahapon, ang 177-kilometrong Baguio-to-Tarlac stage na pinagwa-gian ni Nilo Estayo ng VAT Riders, di natinag ang overall individual standings, kaya naiselyo na ng 25-gulang na si Tanguilig, produkto ng Aritao, Nueva Vizcaya ang titulo.

"Wala nang duda, tapos na," wika ni Tanguilig, dating nagtratrabaho bilang computer technician sa Accent Microtech na nagbebenta ng DEL computers bago ito nag-resign noong 2002. "Pumunta ako noon sa huling stage ng FedEx Tour of Calabarzon, nanood lang ako. Tapos nung nasigurado kong may Tour nung susunod na taon, doon ako nagdecide na magresign sa trabaho ko at mag-concentrate sa cycling."

Si Tanguilig ay lumikom ng kabuuang oras na 68-hours, 40-minutes at 42-seconds patungo sa huling yugto ng 17-stage race na ito na suportado ng Red Bull, Gatorade, Pharex, Lactovitale, Isuzu, Elixir Bikeshop at Summit at nanatiling may 4:51-minutong distansiya sa pumapangalawang si Lloyd Reynante ng Postmen na umangkin sa King of the Mountian title at P50,000 prize; at 6:22 minuto sa third overall na si Albert Primero ng Dole.

Magsusuot pa rin ng dilaw na jersey si Tanguilig sa 91.2-kilometrong mass start criterium sa Roxas Boulevard na magsisimula sa ala-una ng hapon sa Quirino Grand stand kung saan panauhing pandangal si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at ang Asian Cycling Confe-deration president na si Dato Seri Darshan Singh ng Malaysia.

Matapos malaglag sa overall ang STAR carrier na si Enrique Domingo na di na nakabawi pa kahapon, natabunan naman ito ng kaligayan sa katuparan ng misyon ng kanilang koponan matapos masiguro ang kanilang tagumpay sa team competition kung saan nag-hihintay ang malaking gan-timpalang P1-milyon bukod pa sa kanyang ikaapat na sunod na Sprint King title na may kakabit na P50,000 prize.

"Nagpapasalamat pa rin ako sa lahat ng sumuporta sa akin lalo na kay Boss Miguel (Belmonte, presidente ng STAR Group of Publications). Sila ‘yung naging inspirasyon ko. Kahit papaano naisulat ang pangalan ko sa mga diyaryo kahit na palaos na ako," wika ng Postmen team captain na si Domingo na anim na beses na nagsuot ng yellow jersey bago ito naagaw ng Baguio-to-Baguio Killer lap champion na si Tanguilig kamakalawa.

Nasiguro ng Postmen ang team title matapos makaipon ng aggregate time na 205-hours, 49-minutes at 59-seconds at nanatiling may 28:38.47 distansiya sa pumapangalawang Beer na Beer patungo sa huling stage ngayon at 31:25-minutong agwat sa third placer na Dole.

Binigyan naman ng 27-gulang na si Estayo ng karangalan ang kanyang mga kababayan sa Pozzorubio, Pangasinan na dinaanan ng karera, nang isubi nito ang P10,000 stage prize kahit na sumemplang ito sa may bayan ng Cuyapo dahil di niya nakita ang hump nang inaabot niya ang tubig na ibinibigay sa kanya.

Samantala, naiulat na ninakaw ang Giant Carbon Fiber racing bike ni PLDT team captain Renato Dolosa na nagkakahalaga ng P300,000 sa Starwood Hotel kung saan tumira ang mga siklista sa Baguio City. Dahil dito, ginamit ni Dolosa ang C35 Colnago Carbon Fiber bike na nagkakahalaga ng P500,000 mula sa neutral service na ipinahiram ni race director Art Cayabyab. Naiulat ding nanakaw ang Nokia 3310 cellphone ng kasamahan ni Dolosa na si rookie Michael Ramos bukod pa sa 7,000 na cash. (Ulat ni Carmela V. Ochoa)

Show comments