Abay bago nagsimula ang Unity Cup ay maraming nangambang baka muling sumadsad ang House Paint Masters dahil nga nawala sa kanilang poder sina James Yap, Paul Artadi, Ervin Sotto, Marc Pingris, Mac Cuan, Willie Wilson at Nelbert Omolon. Biruin mong kalahati ng team ay nawala at mga reserba na lamang ang natira.
Para bang ganito rin ang nangyari noong isang taon. Hindi nga bat nang magbalik ang Welcoat matapos ang isang conference na pagkawala ay powerhouse ang line-up na naitayo nito. Kabilang sa mga nakuha nilang players sina Rommel Adducul, Eddie Laure at Ronald Tubid. Nakatulong ang mga ito upang kaagad na magkampeon ang Welcoat.
Subalit nang umangat sila sa PBA ay sumadsad nga ang Welcoat at hindi nakarating sa semis ng Unity Cup.
Kung nooy tatlong star players lang ang nawala ay nahirapan na ang Welcoat, ngayon pa kayang pito ang nawala?
At hindi lang yun! Bukod sa pagkawala ng pitong manlala-rong nabanggit ay hinayaan din ng Welcoat na umalis ang coach na si Leo Austria na kinuha naman ng Shell Velocity bilang kapalit ng Amerikanong si John Moran. Si Austria ay hinalinhan ng batam-batang coach na si Carlos Carcia.
Abay mahirap isipin na sa kabila ng mga pagbabagong ito ay nagagawa pa rin ng Welcoat na manalo ng games. Hindi pa nga sila nakakatikim ng pagkatalo sa limang laro. Mamayay pipilitin nilang tuhugin ang ikaanim na panalo kontra sa nangungulelat na Montana Pawnshop.
Sa tutoo lang, mahusay talagang kumuha ng players ang Welcoat at itoy bunga ng magandang recruitment ng mga may-aring sina Raymond Yu at Terry Que. Alam nila kung sinu-sino ang dapat na masungkit upang hindi sila maging kaawa-awa.
Upang punan ang pagkawala ng mga superstars ay kumuha ng ex-pros ang Welcoat sa katauhan nina Chester Tolomia at Marvin Ortiguerra. Lumipat din sa kampo ng House Paint Masters sina Dino Aldeguer at Dominic Uy na nagbuhat sa nag-disband na ICTSI-La Salle. Kinuha din nila si Lou Gatumbato buhat naman sa Blu Star. Iniangat din nila ang reserbang si Christian Guevarra na buhat sa Mapua Tech.
Patuloy namang sumisingasing si Jercules Tangkay na natalo kay Peter June Simon sa botohan para sa Most Valuable Player award sa nakaraang torneo. Si Ariel Capus naman ay nabibigyan na muli ng break.
Ang talagang nakakagulat ay kung paano namo-motivate ni Garcia ang kanyang mga manlalaro. Marami ang naging pessimistic nang siya ang hiranging kapalit ni Austria. Subalit ngayon ay napatunayan na niya na kaya niyang gampanan ang tungkulin bilang head coach.
Malay natin, sa kabila ng mga pagbabagong naganap ay malampasan pa ni Garcia ang ginawa ni Austria at magtuluy-tuloy sa kampeonato ang House Paint Masters.