Ang laban ay itinakda sa ganap na ika-4 ng hapon matapos ang pag-haharap ng Viva Mineral Water-FEU at Sunkist-UST sa pambungad na sultada sa alas-dos.
Una, hangad ng Paint Masters na maipadyak sa 5 panalo ang tangan nilang malinis na rekord. Ikalawa ay ang mapanatili at mapatatag ang kanilang kapit sa liderato, at ang ikatlo at marahil ay pinaka-importante sa lahat- ay ang makapaghiganti sa koponang bumigo sa kanila na makamit ang ika-6 na titulo noong nakaraang komperensya.
Matatandaang ang Welcoat at ang Fash Liquid Detergent (dating pangalan ng Hapee) ang siyang nagharap sa kampeonato ng 2003 Platinum Cup, na ang best-of-5 series ay pinagwagian ng huli, 3-2.
Ang Welcoat ay manggagaling sa 83-76 pagpapabagsak sa Sunkist noong Sabado at ito ay muling sasandig sa troika nina Jojo Tangkay, Chester Tolomia at Ariel Capus, na inaasahang tatapatan nina Mark Macapagal, Francis Mercado at ng Cebuano rookie na si Reed Juntilla.
Samantala, aasintahin naman ng Water Force na maisukbit ang ikatlong sunod na panalo at mapalawig ang kanilang karta sa 5-1 sa pakikipagsalpu-kan nito sa biglang nawalan ng bangis na Tigers.
Ang Viva ay kagagaling lamang sa 89-76 paglampaso sa Lee Pipes-Ateneo kamakalawa. Ang tanging kabiguan ng tropang ito ni coach Koy Banal buhat sa kamay ng Welcoat, ang 89-80 pagyuko noong Abril 6.
Ang Sunkist naman, matapos ang 3-0 start ay nakatamo ng magkata-likod na pagdapa, pinakahuli ay ang naturang kabiguan kontra sa Paint Masters. (Ulat ni IAN BRION)