Ang alam ni Feliciano, assistant team captain ng Patrol 117, runner-up lamang ito kay Sherwin Diamsay ng PLDT na siyang naunang tumawid ng finish Line sa harap ng Mahogany Market sa bayAng ito sa Lucena-to-Tagaytay Stage 4, ngunit makaraang mag-penalize ang mga race officials, iginawad sa kanya ang 172-kilometrong karera.
Naunang tumawid sa finish line si Diamsay kasunod si Feliciano at Darwin Marana ng Marsman-Drysdale sa pare-parehong oras na 4-hours at 14 segundo kasabay si Lloyd Reynante ng Postmen.
Ngunit nasilat si Diamsay nang ma-relegate ito sa huling puwesto ng kanyang grupo dahil sa paglabag nito sa Rule No. 8 ng race violations "deviating from selected lane, endangering other riders during sprint."
Nakita si Diamsay ng mga race officials na nasa likod ng lead group sa huling 50-100 metro papasok ng finish line na lumipat sa kaliwang lane kung saan nasagi nito ang manibela ni Reynante.
"Hindi ko ini-expect ito," wika ng 26-gulang na si Feliciano, ang tubong Nueva Ecija na naka-bronze sa cross country mountain bike category sa nakaraang Southeast Asian Games sa Vietnam noong nakaraang taon. "E di masaya, may puhunan na akong bonus time," dagdag pa ng national team member na nagsubi ng kanyang ikalawang P10,000 stage prize matapos pangunahan ang Daet-to-Lucena stage kamakalawa.
Dahil dito, umangat si Feliciano bilang stage winner kasunod si Marana at ikatlo si Reynante habang mababawasan naman ng 30-segundo si Diamsay bilang penalty bukod pa sa P1,000 fine.
Naagaw ni Feliciano ang yellow jersey mula kay Eusebio Quinones ng Purefoods na umangat sa no. 1 spot ng overall individual standing sa oras na 14:47.33, may pitong segundong agwat lamang sa pumapangalawang si Quinones at lumaki rin ang kanyang bentahe sa karera ng Summit King of the Mountain nang muli nitong pa-munuan ang KOM stretch paakyat sa bayang ito para sa kabuuang 16-puntos kasunod si Reynante na may 8-puntos.
Sa karera para sa P1-milyong premyo ng team competition ng 17-stage race na ito na suportado ng Summit, Isuzu, Lactovitale, Pharex Multivitamins, Red Bull at Gatorade, naagaw ng Postmen na pinangungunahan ng dating STAR carrier na si Enrique Domingo, sa Metro Drug ang liderato matapos magtala ng aggregate time na 44:31.32 na may 6.46 minutong layo sa pumapangalawang PLDT at 7:36 minutong agwat sa ikatlong Samsung.