Ang tanong: Sino sa mga kasalukuyan manlalaro ng nangungunang amateur league sa bansa ang may pinakamalaking tsansa na masundan ang yapak ng mga katulad nina Mike Cortez, Romel Adducul, at Rich Alvarez, na maging susunod na superstar ng Philippine Basketball?
Para kay PBL commissioner Chino Trinidad, marami ang nagtataglay ng naturang potensyal subalit pinangalanan niya ang ilan sa mga ito na sina Ronjay Enrile ng Letran, Arwind Santos ng FEU, Jemal Vizcarra at Dondon Villamin ng UST, Larry Fonacier ng Ateneo, at ang Cebuanong si Neil Raneses ng University of the Visayas.
"All of these guys have the potentials to become a superstar. All they is to polish their skills and attitude," wika ni Trinidad sa kanyang pagbisita kahapon sa lingguhang PSA Forum sa Manila Pavilion.
Ang mga manlalarong ito ay ilan lamang sa pangunahing atraksyon sa PBL 2004 Unity Cup, na magbubukas na sa linggo sa Makati Coli-seum.
Si Enrile ay miyembro ng bagong sali na Toyota Otis-Letran habang sina Santos at top draft pick na si Raneses ay maglalaro para sa Viva Mineral Water, si Vizcarra sa Sunkist-UST, si Villamin sa Blu Star Detergent, at si Fonacier sa nagbabalik sa Lee Pipes-Ateneo.
Ang iba pang kasaling koponan ay ang Welcoat Paints, Montana Pawnshop at defending champion Hapee Toothpaste.
Base sa format ng torneo, ang walong kop-nan ay hinati sa 2 grupo, ang Teeth Sparklers, Tigers, Jewelers at Blue Eagles sa Group A, at Paintmasters, Detergent Kings, Water Force, at Knights sa Group B.
Gamit ang Intra-inter system, 2 beses kakalabanin ng isang koponan ang kanyang kagrupo at isang beses ang nasa kabilang braket sa eliminasyon. Ang top 2 teams matapos ito ay awtomatikong uusad sa semis habang ang no.3 at no.4, na bibigyan ng twice-to-beat na bentahe, ay haharap sa no.6 at no.5, ayon sa pagkakasunod, sa maikling quarterfinal phase, kung saan ang magtatagumpay ang kukumpleto sa final four.
Ang apat na natitirang koponan, dala ang kani-kanilang elimination record, ay sasalang sa double round-robin, at ang 2 may pinakama-gandang karta pagkatapos nito ang siyang maghaharap para sa titulo. (Ulat ni IAN BRION)