Unang lumisan sa lona si lightflyweight Harry Tanamor na bagamat tinatanggap ni South Korean Gu Seung Huek ang kanyang suntok nanaig pa rin ang Koreano sa Tianhe gymnasium ang lugar na pinagdarausan ng China Unicorn, ang ikalawang Asian qualifying tournament para sa Athens Olympic.
Ngunit ang kabiguan ay nagtakda ng kamalasan kung saan idineklara ni Amateur Boxing Association of the Philippines president Manny Lopez na "Black Saturday para sa boxing" nang agad sumunod sina bantamweight Ferdie Gamo at lightweight Genebert Basadre sa naging kapalaran ng kanilang kababayang si Tanamor sa tulong ng nasirang scoring program na kinuha sa Thailand.
Natalo si Gamo kay Serikbaye ng Kazakhstan, 23-27, habang yumuko naman si Basadre kay Pichai Sayate ng Thailand, 25-30.
Ngunit hindi katanggap-tanggap ang kabiguang ito nang may madiskubre si AIBA president, Prof. Anwar Chowdry, sa laban ng middleweight sa pagitan ni Pakistani Hamed Ali Khan at Sonchai Chemlong ng Thailand.
Nangunguna ang Pakistani sa, 17-12, may limang segundo na lamang ang nalalabi ngunit nang tingnan ni Chowdry ang scoring monitor ay 17-17 na agad ang iskor.
Dahil dito, nagtanong si Chowdry sa Thai technician na namamahala ng computer program at sinabi lamang ng technician na ito rin ang ginamit ng Vietnam Organizing Committee sa boxing event noong Southeast Asian Games, at maagang inilagay at inayos sa lugar ng pagdarausan.
Bunga nito, binasura ng Chinese Organizing Commit-tee ang programa at hiniling ang Philippine program na ginamit noong January Asian Boxing Championships na siya namang una nilang gusto ngunit hindi inaprobahan ni AIBA technical delegate Yoo Jae Joon ng South Korea, na nagpilit na gamitin pa rin ang Thai program.
At sa kabiguan ng tatlong Pinoy, tanging naiwan si featherweight Roel Laguna na bitbit ang laban para sa bansa na lumalahok dito sa tulong ng Alaxan FR, Pacific Heights, Accel, Family Rubbing Alcohol at Philippine Sports Commission.
Makakalaban ni Laguna si Akbar ng Iran.