Sa tutoo lang, bago napalitan si Perry Ronquillo bilang coach ng Shell Velocity ay nasabi niyang pinag-iisipan niyang mabuti si Thoss na siyang pinakamatangkad na prospect sa Draft. Kasi ngay kailangan talaga ng Shell ng isang lehitimong big man na makakakuha ng rebounds. Si Thoss ay may malaking potential bagamat hindi naman gaanong nagagamit ng ICTSI-La Salle noong naglalaro pa siya sa Philippine Basketball League.
Pero hindi na nga nagkaroon ng pagkakataon si Ronquillo na maisakatuparan ang kanyang hangarin. Hinalinhan siya ng Amerikanong si John Moran.
At sa nakaraang PBA Draft ay kinuha ng Shell bilang No. 1 pick si Alvarez, isang superstar na buhat sa Ateneo. Dalawang beses na naging Most Valuable Player si Alvarez sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP).
Kaya naman laking gulat ni Alaska Aces coach Tim Cone nang maging available pa si Thoss sa No. 5. Hindi na siya nagdalawang-isip na kunin ito. At laking swerte ng Alaska Aces dahil napapakinabangan nila nang husto ang kanilang matangkad na rookie.
Sa limang games, si Thoss ay nag-average ng 6.6 puntos, anim na rebounds, isang assist, 0.2 steal, 0.6 blocked shot at 0.8 error sa 23.6 minuto.
Abay mas matindi pa ang kanyang mga numero kaysa sa seven-footer na si Edward Joseph Feihl na mayroon lang average na 2.4 puntos, 1.4 rebounds, 0.4 assist, 0.2 blocked shot at 0.6 error sa 8.2 minuto.
Ibig sabihin ay sobra-sobra ang tiwala ni Cone kay Thoss. At sinusuklian naman siya nito nang maayos. Maganda ang pakikipagtulungan ni Thoss sa ibang big men ng Alaska Aces na tulad nina Ali Peek at Don Carlos Allado. Nalampasan pa nga niya ang sophomore na si Eugene Tejada na hanggang ngayon ay hindi pa talaga nabibigyan ng break at tila bench warmer na lang ang papel.
Sa palagay ng karamihan ay aasenso pa nang todo-todo si Thoss lalot mabibigyan siya ng mahabang playing time. Kumbagay si Thoss ang susunod na magiging haligi ng Alaska Aces.
Masuwerte siya dahil kay Cone siya napunta. Marami siyang mapupulot at matututuhan dito. Ilang sentro na ba ang napagtiyagaan ni Cone hanggang sa maging mahusay na manlalaro ang mga ito?
Ngayon pa lang ay sinasabing magbibigay ng magandang laban si Thoss sa ibang baguhan kung ang Rookie of the Year race din lang ang pag-uusapan!