Matapos maiwan sa 9-5 iskor sa 14th rack bumangon ang The Magician nang aksidenteng pumasok ang cue ball ni Chao sa break, at mula dito ay hindi na bumitiw pa ang Pinoy makaraang gamitan ng mahika ang laban na kinabitan pa ng suwerte.
Akala ko, talo na ako. Pero sinusuwerte pa rin talaga tayo. Simula ng sumama ang break nya, gumanda naman ang laro ko," ani Bata.
Totoong nasa panig ni Reyes ang suwerte nang isang magandang break ang pumanig kay Reyes sa 18th frame na naging daan para maitabla ang iskor sa 9-9 at magmula dito ay hindi na muling lumingon pa.
"Doble ang saya ko. Kasi, its the first time I beat him. Dalawang beses na niya akong tinalo sa Japan," dagdag pa ni Reyes.
Ang panalo ay nagbigay kay Reyes ng halagang US$10,000 premyo at qualifying points para sa World Pool Championships na nakatakda sa July.
Ito rin ang ikalawang sunod na leg win ni Reyes matapos sungkitin ang Singapore leg may dalawang linggo pa lamang ang nakakalipas makaraang daigin ang kababayang si Warren Kiamco, 11-4 sa all-Pinoy finals.
Mula sa Vietnam, magtutungo naman sa Hong Kong ang San Miguel Asian 9-Ball Tour sa Abril 17-18 at susunod naman sa Taipei sa Mayo 7-9 bago tapusin ito sa Manila sa Mayo 29-30.
Ang naturang tour ay may patnubay ng Asian Pocket Billiard Union, at inorganisa ng ESPN Star Sports at Event Management Group (EMG).