26 golds ng Laguna sa athletics pa lamang

SAN PABLO City--Patuloy pa rin ang paghakot ng gold medal ng Laguna upang manatili sa itaas para sa karera ng overall champion ng CALABARZON athletic meet na ginaganap sa San Pablo Sports Complex dito.

Sa individual event, ang Laguna ay nakakopo ng 26 na ginto sa track and field upang mapanatili nila ang korona sa nasabing sports event.

Sa natitirang apat na athletic events na 4x100 at 4x400 relay sa apat na level, maski hindi na manalo pa ng gold medal ang Laguna ay sila pa rin ang tatanghaling champion sa athletic, ngunit sa kasamaang palad, ang nasabing event ay halos tinitiyak na ang Laguna pa rin ang mananalo.

Kahapon, apat pang medalyang ginto ang natamo ng mga taga-Laguna nang simulan ni Macy Abis Estioko na sungkitin ang ginto sa 200m run sa elementary level.

Tinularan naman siya ni Arianne Sunague na kinopo ang 400m run sa elementary upang hindi lang manalo sa event kundi upang tanghaling Most Valuable Player sa track and field elementary division.

Tinapos naman ni Maricar Conis ang apat na gintong panalo ng Laguna sa araw ng siya ay mag-back-to-back gold medalist sa 1,500m run at 3,000m run sa secondary division.

Ngunit ang araw ay masasabing para sa San Pablo nang ang mga manlalangoy ng City of Seven Lakes ay nag-bulsa ng walo sa 16 na event sa swimming.

Show comments