Ginebra vs. Shell

Matapos ang mahabang paghihintay, sisimulan na ngayon ang kinapapanabikang Fiesta Cup tampok ang engkuwentro ng Barangay Ginebra at Shell Velocity bilang opening game.

Isang magarbong opening ceremonies ang inihanda ng Philippine Basketball Association na pormal na magsisimula sa alas-4 ng hapon ngunit, alas-12 pa lamang ng tanghali ay magsisimula na ang aktibidades para sa piyestang seremonya.

Makakaliskisan ang mga imports ng Gin kings at Turbo Chargers na sina Roselle Ellis at Marek Ondera, ayon sa pagkakasunod gayundin ang top draft pick na si Rich Alvarez at ang bagong mentor ng Shell na si John Moran.

Hindi na bago si Ellis sa PBA dahil siya ang naging import ng Coca-Cola Tigers sa Reinforced Conference noong nakaraang taon.

Dahil dito, mas pagtutuunan ng pansin si Ondera, produkto ng Uni-versity of California sa Irvin na nasukatan sa taas na 6’5 1/4.

Bagamat kabisado na ni Ellis ang laro sa PBA, mas may bentahe si Ondera dahil mas matagal na niyang nakasama ang Shell habang kararating lamang ni Ellis kamakalawa.

Ito rin ang debut game ni Andy Seigle at Rodney Santos sa Ginebra na kanilang nakuha mula sa Purefoods kapalit ni Jun Limpot.

Bukod kay Ondera, Rich Alvarez at ang iba pang baguhan sa Shell ay ang rookie na si Carlo Sharma at sophomore na si Billy Mamaril na nakuha ng Turbo Chargers sa isang three-way-trade.

Bukod kay Seigle at Santos, makakatulong ni Ellis sina Romel Adducul, Eric Menk, Mark Caguioa Sunday Salvacion at ang nagbabalik na si Jayjay Helterbrand.

Malaking tulong naman ang maaasahan ni Ondera kina Chris Jack-son, Alvarez, Mike Hrabak at Tony dela Cruz.

Ganap na alas-12 ng tanghali, magmo-motorcade ang 10-team mula Ultra hanggang Araneta Coliseum kung saan makakasama nila sa pananghalian at palaro ang 150- orphans mula sa Childrens Hour at Batang Pinahan.

Sina Allan K at Ruffa Mae Quinto ang magiging host sa opening cere-monies kung saan may 180 dancers mula sa Whipplash at Becky Garcia Dance Troupe ang magbibigay kulay sa programa. (Ulat ni Carmela Ochoa)

Show comments