Gayunpaman, may dapat ikatuwa ang Pilipinas dahil nagbunga ang paghihirap at pagod ng Pinoy swimmers na sina Mark Kalaw, Miguel Mendoza, Carlo Piccio at Miguel Molina.
Noong Pebrero 11, nagpadala ng sulat ang Vietnam Organizing Committee kung saan iginagawad sa RP swimmers ang gold na ipinagkait sa kanila bunga ng technical infraction ng humahawak na Omega sa 4x200m freestyle relay event.
"This is a big boost for Philippine sports. I am happy for our swimmers who worked hard to win honors for flag and country in Vietnam," ani Philippine Olympic Committee president Celso Dayrit, na tumanggap ng sulat mula kay Vietnam Olympic Committee vice-president/sec-gen Hoang Vihn Giang.
Dahil sa paggawad na ito ng gintong medalya sa Pilipinas, ang silver ay napunta sa Malaysia, at bronze naman sa Singapore mula naman sa Thailand.
Ang Pinoy swimmers ay naorasan ng 7 minutes, 42.75 seconds na kanilang kauna-unahang gintong medalya sa mahigit na ilang dekada.
Bago rito, ipinagkait ng Vietnamese organizers ang gintong medalya sa Pinoy swimmers dahil sa umanoy teknikalidad.
Ngunit hindi basta-basta pumayag ang mga Pinoy nang kanilang iapela ito sa pamumuno ni swimming president Monchito Ilagan na pinirmahan naman ni chef de mission Julian Camacho at suportado ni Dayrit at ng iba pang opisyal.
At dahil sa karagdagang gintong medalyang ito, sa kabuuan ay may 49 golds na ang Pilipinas mula sa dating 48 , at may 6 golds na bentahe sa Malaysia sa pangkalahatang scoreboard.
Ang tagumpay ding ito ay nagbigay sa swimming team ng kabuuang 3 golds sa dalawang naunang ginto nina Mendoza at Molina sa 1,500m at 200m freestyle events. (Ulat ni Dina Marie Villena)