Inaasahan ni Jose Luis Pepon Marave na magiging mas kahindik-hindik ang karera sa pagdepensa niya ng korona ng Asian Formula 3 sa taong papasok.
Ang 37-anyos na driver ng Shell Helix-Kinetic team ang itinanghal na kampeon sa AF3 matapos siyang magtala ng anim na 1st place at limang 2nd place na puwesto sa 12 karerang inilibot sa Subic at Batangas sa Pilipinas, at sa mga race tracks sa Thailand, Japan at China.
Sa taong darating, nagha-handa siya sa mas matinding labanan lalo pat sasali ang mga drivers mula sa China, Hong Kong at Australia.
"Mas matutulin ang kotse ng mga drivers na ito," pahayag niya.
Isa sa mga lalahok na banyaga ay si Christian Jones ng Australia, anak ng 1980 Formula 1 champion na si Alan Jones at isa sa mga sumisikat na F3 drivers sa bansa niya.
Nagpakitang gilas si Jones nang silatin niya ang lahat sa huling dalawang karera ng 2003 season sa Batangas. Ayon kay Marave, mahusay at mas bago ang kotseng gamit ni Jones kumpara sa kanyang sinasakyang Dalara 300 na may makinang Toyota.
"Kailangan palakasin pa namin ang kotse para tumapat sa kotse ni Jones," aniya.
Nagpahayag naman ng kumpiyansa si Shell Helix marketing manager Edwin Laset kay Marave na siyang itinuturing na Michel Schu-macher ng Pilipinas. "Tiwala kami kay Pepon na made-depensa niya ang titulo niya. Ang karera ang laboratoryo ng Shell at dito namin sinusukat ang galing ng aming mga langis," pahayag niya.