Kasalukuyang pinag-iisipan ng Barakos kung iti-trade nila si Miller sa Shell Velocity o sa Purefoods.
Nagpakita ng interes ang Purefoods kay Miller ng mabigo ang Hotdogs na makausad sa quarterfinals sa Reinforced Conference. At pinag-iisipan ng Hotdogs na muling makasama ni Miller ang kanyang Letran buddy na si Kerby Raymundo sa muling pagbabalik ng kanilang tambalan.
Ngunit kapag nakuha ng Hotdogs si James Yap bilang No. 2 pick sa 2004 PBA Draft sa Glorietta Activity Center sa Enero 16 hindi na nila kakailanganin pa si Miller.
Habang tila nagkakasundo naman ang Shell at Red Bull na maaaring ipalit si Miller o Mick Pennisi o Homer Se sa No. 1 pick sa Draft. Dagdag pa dito ang pagpapalit ng Red Bull sa Draft order sa Shell. Ang Red Bull ay pang-anim na pipili.
Sa kasalukuyang, ni-renew na ng Red Bull ang kontrata nina Junthy Valenzuela, Lordy Tugade, Cyrus Baguio at Erwin Velez na inilagay sa active list kapalit ni Edmond Reyes na napaso na ang kontrata.
Ngunit may pag-asa pa rin si Reyes na makapasok uli sa Red Bull depende sa kalalabasan ng Draft at kung maisa-sakatuparan ang trades.
Hindi na rin nila ni-renew ang kontrata ni Vince Hizon, habang anu-mang oras mula ngayon, papipirmahin na nila si Michael Robinson.
Higit na kailangan ang serbisyo ni Robinson ngayon lalot suspindido si Jimwell Torion sa loob ng walong buwan dahil sa punching foul nito kay Jimmy Alapag noong laban nila sa quarterfinals ng Reinforced Conference. Ito na lang ang natitirang point guard sa lineup ng Red Bull makaraang ipamigay nila si Anton Villoria sa San Miguel Beer. (Ulat ni AC Zaldivar)