Kaya naman, maging dito sa Ho Chi Minh City, hindi matanggap ng kokonting grupo ng mga Pinoy na ang kanilang idolo ay maagang babagsak.
"Malas talaga. Ayaw pumasok yung mga bola," tanging wika ng dating World Pool champion na si Reyes sa kanyang masakit na kabiguan sa paboritong 9-ball singles makaraang gapiin ito ng Indonesian pool player na si Muhamad Junarto, 11-9 sa kanilang race-to-11 semi-final match kahapon ng umaga.
Unang tinalo ng 49 anyos na si Reyes, bronze medalist sa Busan Asian Games, si Chatchawan Ruthape ng Thailand, 11-2 sa kanilang quarterfinal match.
"Ginahasa kami ng bola," naiiling naman na sambit ni Bustamante, habang humihithit ng kanyang sigarilyo sa gilid ng kanilang hotel. "Kapag break walang pumasok sa aking bola kaya pag siya naman ang titira nauubos na niya."
"Nahihiya nga kami ni Pareng Efren sa ating mga kababayan dahil ang laki ng expectation nila sa amin. Pero mahirap talaga dito sa SEA Games," dagdag pa ni Bustamante.
Tanging bronze medal na lamang ang inaasahan ni Reyes na kasalukuyang nakikipaglaban kay Nguyen Than Nam ng Vietnam na siyang nagpatalsik kay Bustamante sa quarterfinals round, 11-7, habang sinusulat ang balitang ito. (Ulat ni DMVillena)