Pero, sa pananaw ni Russo, lahat ay may katwiran. Sino ba ang pinakamahusay sa basketball, baseball, boxing at iba pang sport? Ang mabigat sa kanya, may pananaliksik siyang ginagawa para mapanindigan ang kanyang mga sinasabi.
Mas matindi ba pag pinagsama sina Wilt Chamberlain, Bob Cousy, Elgin Baylor, Oscar Robertson at Bob Pettit kaysa kina Michael Jordan, Julius Erving, Shaquille O'Neal, Karl Malone at John Stockton? Sino'ng mas nakakabilib, si Ted Williams o si Joe DiMaggio? Sino'ng unang babagsak, si Jack Dempsey o ang walang-talong si Rocky Marciano?
Ang isa pa niyang madalas puntiryahin (sa iba-ibang sport) ay kung aling mga koponan sa iba-ibang panahon ang mas dapat kilalanin. Lalo na sa basketbol, di pa natin nagagawa iyan dito. Pero ang inyong lingkod ay nag-aral ng kasaysayan ng PBA para sa isang istorya sa isyu ng Manual magazine ngayong Disyembre. Baka magulat kayo sa laman niya.
Sa ating kultura, madalas tayong magbansag ng kung anu-ano. Napakarami nating mga tinatawag na "monicker" sa mga manlalaro natin. Para bang lahat ay kailangang may titulo, kahit walang karapatan. Parang lahat ng tao ay dapat maging abogado, doktor o congressman. Ito'y isa ring paraan para di natin kailangang maghambing, o idiin kung sino ang mas magaling.
Pero, sa aking karanasan, mahina tayo sa history. Hindi natin gaanong iginagalang ang nakaraan, lalo na sa sports. Halimbawa: hindi na kilala ng mga kabataan ngayon kung sino si Flash Elorde. Mapupunta na lang ba sa wala ang kagitingang ipinapakita ng ating mga atleta? Sayang naman.
Napapanahon nang balikan natin ang nakaran nating glorya. Noong dekada 60 pa lamang, inatasan na ni Pangulong Ferdinand Marcos ang dating Kalihim ng Edukasyon Carlos P. Romulo na pag-aralan kung bakit tayo humihina sa international sports. Mula noon, hindi na natin pinansin ang unti-unting paghabol sa atin ng mga kalapit-bansa natin. Noong 1940's hanggang 1960's, kayang-kaya nating talunin ang China, Japan, Korea o maging Australia sa sports. Ngayon, nangangamote na tayo.
Pero hindi ba, lahat ng pagbabago ay nagsisimula sa itaas, hindi ba?