USJR vs UA-PUV vs SBC

Ang huling batch ng Sweet 16 protagonists ang sasabak sa aksiyon ngayon sa pagbabalik ng Champion’s League sa Far Eastern University gym.

Ang Luzon na kinatawan ng University of Assumption-Pampanga ay makakaharap ang San Jose Recoletos sa ganap na alas-2 ng hapon na agad susundan ng bakbakan ng San Beda College at CESAFI champion University of Visayas sa alas-4 ng hapon.

Inaasahang hahatak ng sorpresa ang UA-P sa torneong ito kung saan pangungunahan ni NBL veteran Welihado Duyag ang UA-P.

Sasandalan din ng Pelicans ang kanilang hotshot na si Ruel Galura, Marvin Yambao at slumdunk artist Alexander Bognot.

Naghihintay naman sa magwawagi sa pagitan ng UA-P at USJR ay ang NCRAA at UCAA title-holder St. Francis of Assisi habang ang NCAA power San Sebastian College ay makakalaban naman ang magwawagi sa pagitan ng San Beda at UV sa panimula ng Big Eight bukas.

Sa iba pang Big Eight pairs, makakaharap ng Ateneo ang Holy Cross of Davao College at ang UAAP champion Far Eastern University naman vs NCAA king Letran sa Disyembre 1.

Ang unang napatalsik sa torneong itinataguyod ng PAGCOR, PCSO at Adidas ay ang defending champion University of the East.

Show comments