Kabi-kabilang sisihan ang nangyayari ngayon upang malaman kung nasaan na ang perang ibinabayad ng Philippine Basketball Association (PBA) para lamang muli silang makapagpalabas sa IBC Channel 13.
Sa apat na pahinang sulat na ipinadala ni Atty. Er Magpantay, vice-president for Legal Operations ng Summit Sports World Corporation, sa pamunuan ng NBN-4, kinukuwestyon nito kung bakit naka-tanggap sila ngayon ng pagbabanta at bakit kailangan nilang magbayad ng kabuuang P82 million hinggil sa pagkakautang sa pagpapalabas lamang ng Pambansang liga ng basketball.
Ayon kay Magpantay, tila nababaligtad ang sitwasyon ngayon gayung alam naman umano ng pamunuan ng IBC-13, PBA at NBN-4 na simulat simula ay nagbabayad sila ng obligasyon para lamang sa kanilang joint venture.
Bilang katunayan, ang SSWC, ay nagbayad na sa IBC 13 ng P4.5 million, dalawang tseke rito ay may halagang P1 million bawat isa habang ang natitira ay may halagang P2.5 million.
Bukod dito, may mga "receivable amount" din umano sila na P28 million base na rin sa iskimang hinihingi ng IBC 13.
Ipinagtataka ng SSWC ngayon ay kung bakit pinahintulutan din ng IBC 13 ang Dreamsport bilang marketing agent, gayung alam ng lahat na mababa ang singil nito sa mga kliyente, bagay na nagpapalugi sa kanilang programa at palabas.
Kamakailan ay sabay-sabay na nagsipagbitiw sa tungkulin ang Program Committees at Board of Directors ng IBC 13. Isinisisi ng mga nagsipagbitiw na opisyales ang nangyayaring kaguluhan sa loob ng kanilang kompanya sa umanoy mala-hitler na pamamalakad ni Atty. Lincoln Tan, presidente ng naturang istasyon.
Karamihan umano sa mga programang nais mai-ere ni Tan sa IBC 13 ay hindi man lamang umano dumadaan sa Board, dahilan upang maging ang pinakaaabangan ng milyung-milyong manonood na PBA ay hindi na rin naipapalabas sa Channel 13.