Sa apat na pahinang letter of resignation, isa-isang lumagda sina Bob del Rosario, Tessie Taylor, Jose Ramos Jr., Ma. Angelica T. Garciano, Dave Fugoso, Pete Dayao at Mel R. Rabadam.
Sa naturang liham, inilahad nila ang ibat ibang hinaing patungkol sa mali at kuwestiyunableng pamamalakad ni Tan, partikular na rito ang mga dahilan kung bakit hindi na dapat pang i-ere sa kanilang istasyon ang PBA na inaabangan ng milyun-milyong Filipino.
Matatandaan na noon pang Oktubre 29, di na pinayagan ng ibang pamunuan ng IBC 13 na maipalabas ang PBA sa kanilang istasyon dahil sa P82 milyon utang ng Summit Sports Worlds Corporation, ang marketing arm ng PBA.
Isa sa hinaing ng mga ProgCom members laban kay Tan ay ang hindi pagtugon sa kanilang kahilingan na amiyendahan ang Memorandum of Agreement mula sa Summit Sports, partikular na rito ang pagbibigay awtoridad sa Dream Sports para naman ilako ang programa ng PBA sa kanilang himpilan.
Sa kanilang meeting noong nakalipas na Oktubre 16, ipinagmalaki umano ni Tan na nakarehistro sa Securities and Exchange Commission (SEC) ang Dream Sports, ngunit nang beripikahin, hindi ito nakarehistro dahilan para paghinalaan na isa itong hao-shiao na kumpanya.