PAGKAKAISA

Nais lang ng Cebuana Lhuillier na makatulong.

Ito ang ipinahayag ni Jean-Henri Lhuillier nang makausap niya ang ilang mamamahayag kamakailan upang sabihin na ipagpapatuloy niya ang pag-iisponsor sa Philippine Team hindi lamang hanggang sa Vietnam Southeast Asian Games kundi sa loob ng tatlong taon pa hanggang sa darating na Asian Games sa Doha, Qatar.

Pero tila masalimuot ang daan sa pagsasatupad ng pangarap na ito.

Una’y sa Basketball Association of the Philippines (BAP) nakipag-usap ang Cebuana Lhuillier at nakipakasundo ng isang long-term program.

Sa ngayon ay mayroong power struggle sa pamunuan ng basketball sa ating bansa. Kinatigan ng korte ang Basketball Association of the Philippines, Inc. (BAPI) at sinabing ito ang nararapat na humawak ng basketball affairs.

Masalimuot nga ito. Kasi ang BAP ang siyang recognized ng Philippine Olympic Committee, ng Philippine Sports Commission, ng International Olympic Committee at ng FIBA. Pero siyempre, kung may desisyon ang korte ay puwedeng mabago lahat ng ito kahit pa sabihing labag sa IOC charter ang tinatawag na government intervention.

So, halimbawang BAPI na ang humawak sa basketball, ano ang mangyayari sa Cebuana Lhuillier?

Sa tutoo lang, baka magpasalamat pa ang BAPI dahil sa may susuporta nga sa programang pang-basketball, e. Okay lang naman daw kay Lhuillier kung kakausapin din siya ng BAPI. Walang masama roon.

Ikalawa, kung ang long-term goal ni Lhuillier ay paghandaan ang Qatar Asiad sa 2006, ibig sabihin nito’y babanggain niya ang Philippine Basketball Association na siyang nakatokang magpadala ng team sa quadrennial games. Hindi nga ba’t ginagawa na ito ng PBA mula pa noong 1990?

At ngayon nga’y babaguhin pa ng PBA ang kalendaryo nito upang bigyang daan ang posibleng pagpapadala ng all-pro team maging sa Asian Basketball Confederation (ABC) Men’s championship.

Paano na ang programa ni Lhuillier, kung saka-sakali?

Ayon kay Lhuillier, okay din namang makipagtulungan siya sa PBA. Sa tutoo nga, magugustuhan din iyon ng PBA dahil hindi na sasakit ang ulo ng commissioner at ng mga team owners. Ang problema nga lang ay kung ipapaubaya kay Lhuillier ang pagma-manage ng RP Team. Kasi, kung may mga PBA players sa RP Team, natural na may say ang PBA diyan.

Ayon kay Lhuillier, natutuwa din siya sa mga development dahil sa ang lahat ng tao ay nais nang makatulong sa Philippine basketball. Sinimulan ito ng Philippine Basketball League na pumayag na maglaro ang Cebuana Lhuillier sa Platinum Cup na magsisimula bukas. Tapos ay babaguhin ng PBA ang kalendaryo nito.

Siguro nga raw ay panahon na upang magkaisa ang lahat. Eye-opener daw ang nangyari sa Harbin China kung saan muntik na tayong mangulelat.

Kaysa nga naman tuluyan tayong mangulelat, magkaisa na tayo ngayon!
* * *
HAPPY birthday kay Angela Pascua-Revilla na nagdiriwang ng kanyang kaarawan ngayon, Nobyembre 8.

Show comments