TUNAY NA UMBRELLA ORGANIZATION

SA tutoo lang, kinatigan man o hindi ng korte ang Basketball Association of the Philippines, Inc. (BAPI) ay kailangan na talaga ng reporma sa pamunuan o pamamalakad ng Basketball Association of the Philippines (BAP) dahil sa damang-dama na ng lahat ang pagdausdos natin sa larangan ng basketball dito sa Asya.

Kung noon ay excited na excited ang lahat kapag tumutulak sa ibang bansa ang national team natin o kaya’y nagho-host tayo ng international basketball tournament, ngayon tila wala nang nakikialam. Para bang sa loob-loob nila’y talo rin naman tayo diyan, e.

Para bang tinatanggap na ng karamihan na wala na tayong pag-asang makabawi sa basketball. Hindi na natin maaagaw pa ang korona sa China. Hindi na tayo puwedeng makipagsabayan sa Korea. At mahihirapan na tayo sa Japan at mga dating Soviet republics.

Katunayan, sa nagdaang ABC championsips sa Harbin China ay tinalo pa nga tayo ng Hongkong at Syria, mga dating koponang tinatambakan lang natin!

E, kung hirap na tayo sa mga bansang ito, ano pa ang puwede nating asahan kontra sa malalakas na kalaban?

Maraming nagsasabi na dapat ay nagsasagawa na ng reporma ang BAP. Ang problema kasi sa BAP ay pinatatakbo ito ng mga taong hindi naman talaga involved sa mga sikat na torneo sa bansa.

Ang BAP ay isang umbrella organization ng lahat ng basketball organizations sa bansa. Ganoon talaga ang papel nito.

Pero teka, sinu-sino ba ang nasa BAP?

Ang ideal talaga diyan ay magsama-sama ang lahat ng mga nagpapatakbo ng iba’t ibang sikat na basketball tournaments sa bansa gaya ng PBA, PBL, NBL, UAAP, NCAA, NCRAA, UCAA, CBF, CAAA at kung anu-ano pa sa buong kapuluan. Magpadala sila ng tig-isang representative - yung presidente o yung chairman nila at pagkatapos ay magkaroon ng eleksyon para malaman kung sinu-sino ang magpapatakbo sa estado ng basketball sa bansa.

Kung ganito ang mangyayari ay magkakaroon ng direksyon ang basketball. Maisasaayos nila ang schedule ng mga laro nila upang hindi na magkaroon ng conflict sa international competitions. Magpapahiram sila ng mga manlalaro sa RP Team dahil sila-sila din naman ang makikinabang o magtatamasa ng kasikatan kung saka-sakaling maganda ang maging resulta ng paglahok sa international meets.

Kasi, kung puro negosyante o kaya’y pulitiko ang nasa umbrella organization ng isang sports body sa bansa, anong malay nila sa tuna’y na estado nito.

At bakit sila susundin ng mga tournament organizers?
* * *
HAPPY birthday kay Boy Alba na nagdiriwang ng kanyang kaarawan ngayon, Oktubre 25. Gayundin kay direk Tony Pascua na magdiriwang naman sa Oktubre 27.

Show comments