Si Bong Alvarez

Nasa diyaryo na naman si Paul ‘Bong’ Alvarez.

Hindi nga lang maganda dahil hindi naman ang basketball career niya o negosyo ang naging usapin kundi sa bintang ng isang Alfredo Lopez, na nahuli nito sa akto ang kanyang asawang si Sarah at Bong sa isang hindi magandang sitwasyon.

Gayunpaman, madiing pinabulaanan ito ng basketball cager na tinaguriang "Mr. Excitement".

Ika nga ni Bong, kung siya daw ang nasa katayuan ng lalaki at nahuli niya ang kanyang asawang maykasiping na iba sa mismong bahay nila eh mapapatay niya ang dalawa sa oras ding iyon.

Sa kaso ng mag-asawang Lopez, si Sarah pa ang idede-manda ng frustrated murder dahil sa tinangkang saksakin ng babae si Lopez.

May katuwiran nga naman si Bong dito. Kasi mapababae man o mapalalaki kung mahuhuli mo sa akto ang iyong asawang may kaniig na iba, magdidilim na talaga ang paningin mo at makakagawa ka ng isang masamang bagay tulad ng pagpatay.

Ito ang naging pahayag ni Bong sa isang television talk show kung saan na-interview din si Sarah at galit namang sinabi na ginagamit lang ito ng kanyang asawa sa kanyang ambisyong pampulitika.

May sinabi pa si Sarah na piniperahan lang siya ng kanyang asawa (mahigit anim na buwan na umanong magkahiwalay ang dalawa) dahil siya ang nagsusustento sa lalaki.

At ang Bong na nakita sa kanilang bahay ay ang kaibigan ni Alvarez na Bong din ang pangalan at ang apelyido naman ay Aragon.

Ewan ko pero wala ako sa pinangyarihan. Pero kung titim-bangin ang pananalita ng magkabilang panig, siyempre mas maniniwala ako kay Bong.

Bakit?

Eh kasi nga kung ako mismo ang makakahuli sa akto sa aking asawa, hindi matatapos ang araw na iyon ay mapapatay ko silang dalawa.

Ika nga pagsasamahin ko sila hanggang sa impiyerno.

Anong sey n’yo?

Tama lang na magdemanda din si Bong kung wala siyang kasalanan. Kasi kawawa naman yung kanyang pamilya sa hindi magandang publisidad na ito.

Lalo na si Miray at ang kanyang mga anak na puro babae.

Show comments