Septo-Maranon vs Ybañez-Deposoy

Umusad sina Ann Septo at kapartner na si Lou Maranon, kasama din ang tambalang Aileen Ybañez at Gretchen Deposoy sa ikatlong yugto ng quarterly tournament ng Petron Ladies’ beach volleyball tournament sa La Salle-Greenhills beach volleyball courts.

Tinalo ng first leg runner-up pair nina Septo at Maranon ang kalabang sina Katherine Sotejo at Kristea Ricana upang umusad sa championship round ng dalawang araw na event na itinataguyod ng Petron at inorganisa ng Volts Management Group.

Makakalaban nila sa championship sina Ybañez at Deposoy na pinataob naman ang tambalang Evelyn Reyes at Cherrie Ann Garcia, 21-4.

Samantala, ang crowd favorite na tambalan nina Isabel Granada at Mary So Teves ay nanalo sa opening game 21-18 kontra sa parehas nina Raymonette Panelo at Joyce Realiza ng St. Francis de Assisi ngunit tinalo naman sa mga sumunod na rounds.

Sa mga naunang resulta, dinurog nina Lorelei Villanueva at Irish Binaday sina Luisa Beltran at Rosanna Pacheco, 21-6; nanaig naman sina Angelina Aquino at Ohrina Caniya sina Loraine Palomar at Kristine Montemayor, 21-6 habang pinataob nina Roma Jaro at Michelle Pinero sina Michelle Querubin at Rosalina Gomez, 21-8.

Ang dalawang unang yugto ng Petron volleyfest kapwa napagwagian ng San Sebastian pair nina Patricia Siatan at Jennifer Bohawe na ginanap sa Island Cove Resort.

Show comments