Green Archers lumakas ang tsansa sa Final 4

Dahan-dahan, ngunit sigurado.

Ito ang ginawang puhunan ng De La Salle University kahapon nang tumapyas ng mahalagang panalo upang mapalakas ang kanilang kampanya na mapasama na sa Final Four cast ng kasalukuyang 66th UAAP men’s basketball tournament.

Sumandig ang Green Archers sa tikas nina Mark Cardona at Joseph Yeo na nagpakawala ng agresibong performance sa second half upang itarak ang 82-74 panalo kontra sa Adamson Uni-versity sa Makati Coliseum.

Ang panalong ito na ikapito ng Taft-based dribblers matapos ang limang pagkatalo sa 12 laro, ang siyang tumapos ng kanilang dalawang dikit na kabiguan at nagpalakas ng kanilang tsansa na maka-entra sa semifinals.

Kailangan na lamang ng Green Archers na maipanalo ang isa sa kanilang huling dalawang laro para pormal na makapasok sa Final Four cast kung saan nakaseguro na ang defending champion Ateneo de Manila na may maningning na 10-3 record, Far Eastern University na may 9-3 at University of the East na naglista naman ng 8-3 kartada.

Naging kumplikado naman sa Falcons ang kanilang pagkatalo na ika-pito sa likod ng limang panalo at upang makapasok sa semis, kailangan nilang maipanalo ang huling nalalabing dalawang asignatura at magdasal na matalo naman ang Archers sa kanilang dalawang laro upang makapuwersa ng playoff para sa huling semis cast.

Tumapos si Cardona ng 28 puntos, 17 nito ay kanyang kinamada sa second half nang simulan ng Archers ang kanilang pagbangon.

Nagdagdag naman si Yeo ng 15 puntos. (Ulat ni Maribeth Repizo)

Show comments