^

PSN Palaro

Tulungan natin ang RP Team

FREE THROWS - AC Zaldivar -
ISA sa mga layunin ng Philippine Basketball Association sa pagkakaroon ng Invitational tournament ay ang matulungan ang Philippine Team sa paghahanda nito para sa mga international competitions na lalahukan nito.

Kasi nga, alam na ng PBA na kailangang-kailangan na masanay ang RP team sa estilo ng mga dayuhan. Ilang beses na bang pinangasiwaan ng PBA ang pagpapadala ng national team sa Asian Games. Apat na beses na buhat noong 1990 nang ginanap ang Asiad sa Beijing China.

Nasabi na natin sa mga nakaraang pitak na sayang ang paglahok ng RP Team sa Invitationals kung hindi napabilang ang ilang manlalarong hindi ipinahiram ng UAAP.

Pero tapos na ang kabanatang iyon, e. Mukhang settled down na sina national coach Aric del Rosario at ang mga manlalaro niya sa kasalukuyan. Hindi na nila hinihintay pa ang mga taga-UAAP at alam nilang sila-sila na lang ang magiging magkasama.

Kaya naman siguro maganda ang kanilang naging performance kontra sa Alaska Aces noong Biyernes. Biruin mong tinakot nila ang Aces at natalo lang sila ng limang puntos, 87-82. Kahit paano’y marami na rin ang bumibilib sa RP Team na nagwagi rin kontra sa Magnolia Jilin Yi Qi ng China.

Ang nais ko lang punahin ay ang pangyayaring hindi nakalaban ng RP team ang dalawang iba pang foreign teams na kalahok sa Invitationals. Hindi nakalaban ng RP team ang Novi Sad Yugoslavia at Yonsei University ng Korea. Kasi nga’y nasa kabilang grupo ang dalawang koponang ito.

Kasama ng Yugoslavia at Yonsei ang Red Bull Barako, Talk N Text at FedEx sa Group A samantalang nasa Group B ang RP Team, China, Alaska Aces, Coca-Cola at San Miguel Beer. Sa ilalim ng format ng torneo, single round ang gagawin ng bawat grupo at ang top two teams ay maghaharap sa cross-over semifinals.

Sayang, di po ba?

Kasi kahit paano’y may mapupulot din ang RP Team buhat sa dalawang ibang foreign teams na nasa Group A, lalo na siguro sa Yonsei University. Kasi nga, ang South Korea ang siyang nagkampeon sa nakaraang Busan Asian Games.

Iba yung nakalaro ng RP Team ang Yonsei o ang Yugoslavia kaysa sa napanood lang nila. Aba’y kung papanoorin din lang, puwede din namang kumuha ng tapes ng mga laro ng foreign teams ang sinumang scout ng RP Team at ipakita ito sa mga players nila.

Sa ganang akin, sana bago umuwi ang mga teams na buhat sa Yonsei University at Novi Sad Yugoslavia ay makalaro nila sa mga exhibition games ang Cebuana Lhuillier-RP Team. Mas maganda siguro kung ito’y gagawin bilang appetizers ng mga susunod pang laro sa Invitational Cup para mapanood din ng mga fans.

Sa ganito’y malulubos ang pagtulong ng PBA sa RP Team.

ALASKA ACES

ASIAN GAMES

BEIJING CHINA

BUSAN ASIAN GAMES

GROUP A

KASI

NOVI SAD YUGOSLAVIA

TEAM

YONSEI UNIVERSITY

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with