5 Fil-Am cagers malabo pang mapalayas-BI

Walang hurisdiksiyon ang Bureau of Immigration (BI) sa kaso ng limang Fil-Am players ng Philippine Basketball Association hinggil sa pagpapalayas sa mga ito dahil sa umano’y pamemeke ng kanilang mga dokumento upang makakuha ng Philippine citizenship.

Ito ang niliwanag ni Immigration commissioner Andrea Domingo, matapos na naging rekomendasyon ng senado na agad palayasin sa bansa sina Paul Asi Taulava ng Talk N Text, Andy Seigle ng Purefoods, Jonathan Ordonio ng Alaska, Davonn Harp ng Red Bull at Rudolf Hatfield ng Coca-Cola.

Ayon kay Domingo, hindi maaaring basta na lamang paalisin sa bansa ang mga nabanggit na PBA players maliban na lamang kung babawiin umano ng korte at ng Department of Justice ang kanilang Philippine citizenship.

"Until such time that their citizenship is questioned and subsequently revoked, we cannot institute summary deportation proceedings against them, (Fil-Ams)," pahayag ni Domingo.

Idinagdag din ni Domingo na wala rin umano silang awtoridad na i-withdraw o bawiin ang pagkumpirma ng Philippine citizenship ng kahit sino o litisin at magdesisyon kaugnay sa mga kaso ukol sa citizenship.

Gayunpaman, sinabi ni Domingo na kaagad nilang hihilingin sa senado na bigyan sila ng mga ebidensiyang nakalap ng mga ito upang agad na maidulog sa tanggap ng DOJ at marebisa para magawan ng pagbabasehan para kanselahin ang pagkilala sa pagka-Pinoy ng mga nabanggit na manlalaro.

Show comments