COLLEGE BASKETBALL, DI MABASA

Magkaibang-magkaiba ang kinalalabasan ng mga larong tampok sa Men's Basketball sa UAAP at NCAA. Sa isang panig, marami ang naniniwala na lalayo na ang De La Salle University, University of the East, Far Eastern University at Ateneo de Manila University sa mga katunggali nila sa UAAP.

Samantala, bungkos ang mga koponan sa NCAA. Nakauna ang Jose Rizal University, subalit dikit-dikit ang ibang paaralan liban sa kawawang College of Saint Benilde.

Ano'ng dahilan at magkaiba ng landas ang dalawang liga?

Una, ang mga namamayani ngayon sa UAAP ay nahasa na sa Final Four noong 2002. Pangalawa, lalo silang gumaling sa paglalaro sa Philippine Basketball League. Ang mga ibang naiwanan tulad ng University of the Philippines at ang nabang-git na Blazers, ay ngayon palang sumasali sa PBL.

Ang U.P. ay may kasunduan na sa Blu Star Detergent Kings, habang ang CSB ay partner na nga LBC-Batangas Blades.

Sa NCAA naman, marami na ang nawalang superstars, tulad nina Sunday Salvacion ng CSB, Christian Coronel at Jam Alfad ng San Sebastian, Bernzon Franco ng Philippine Christian University. Kasabay nito, nagpalakas din ang mga ibang team.

Ang isa pang dahilan ay mga alumni na tumutulong sa mga katulad ng Ateneo, La Salle at FEU. Dahil dito, nakakakuha sila ng malalakas na players kahit sa ibang bansa. Halimbawa na dito ang dalawang Yugoslavian ng Green Archers, na maglalaro sa 2004.

Ang mga tulad ng JRU, San Beda at ilan pa ay hinog na dahil nasanay na ang kanilang mga coach at player sa isa’t- isa.

Nagkakaintindihan at malalim na ang kanilang samahan.

Kung susuriin natin, mas marami ang de kalidad na manlalaro sa UAAP, dahil mas malakas magbuhos ng pera ang mga mayayamang alumni dito.

Pero hindi malayo ang agwat.

Anuman ang mangyari, maraming palatandaan na tumataas na ang antas ng amateur basketball, sana lang ay maambunan ang mga ibang sport na bahagi ng programa ng NCAA at UAAP.

Show comments