Sasabak sa aksiyon ang koponan, na nag-ensayo lamang ng dalawang araw, makaraan ang 30-oras na biyahe at pagkaka-delay sa airport na wala ang womens No. 1 na si Jennifer Chan na nabigong maka-kuha ng visa sa takdang oras ng nasabing tournament na pipili ng unang 96 mula sa 128 archers na pinaghalong mens at womens recurve divisions na tutungo sa Athens.
Hindi lamang si Chan ang nagkaroon ng problema sa visa kundi maging ang iba pang koponan ay dumanas ng kanyang pinagdaanan dahil sa pagkakaroon ng extra security measures sa nasabing biennial championships makaraan ang naganap na kahindik-hindik na Septemberr 11 attacks noong 2001 sa New York.
Isa sa dumanas ng mas mabigat na problema ay ang Malaysia kung saan ang kanilang buong mens team ay hindi pinagkalooban ng visa gaya rin ng Iraqi womens team na inimbitahan lamang ilang araw bago magsimula ang opening ng nasabing tournament kung saan umabot sa 578 ang kalahok mula sa 81 bansa.
Dahil sa wala si Chan, isa sa pag-asa ng bansa ang 20 anyos na Sydney Olympian mens No. 1 Marvin Cordero, ay sasabak sa kanyang kauna-unahang world tournament. Nakahanda na rin sa aksiyon si Cocoy Cubilla na sa edad na 25-anyos ay may mayaman ng karanasan sa mga international scene. Ang iba pang gagawa ng malakas na impact ay sina Arnold Rojas, 29-anyos at Florante Matan, 20-gulang.
Sa womens team, kakampanya naman sina Rachelle Anne Cabral at Jasmin Figueroa na kapwa 18-gulang at physical education majors sa University of Makati at ang beteranang si Joann Tabanag, 39-anyos para sa bandila ng bansa.
Eentra naman ang archers mula sa compound division sina Clint Sayo, Manny Martinez, Raul Ramon Arambulo at Carlos Carag, na bagamat mahihirapan na makakuha ng slot sa Olympics, ang karanasan naman na kanilang makukuha sa tournament na ito ang magpapalakas ng kanilang tsansa sa Southeast Asian Games ngayong Disyembre sa Vietnam.