Mahigit isang linggo mula ngayon, magkikita-kita ang ang pinakamahuhusay na 9-ball players sa Cardiff, Wales.
"This is one great chance to hone our talent for the next big tournament that is just around the corner in Cardiff," pahayag ni Mika Immonen ng Finland, isa sa apat na European player na makikipagtunggali ng tikas kay Reyes at iba pang Pinoy sa panimula ng torneo ngayon sa The Loop Entertainment sa ABS-CBN compound sa Quezon City.
Sina Immonen, Reyes, Ralf Souquet ng Germany, Niels Feijen ng Netherlands at Swede Marcus Chamat ay naging panauhin sa PSA Forum kahapon sa Manila Pavilion kasama ang billiards patron na si Aristeo Putch Puyat.
Si Reyes at ang apat na Europeans na malaki ang maitutulong ng top prize na $15,000 kapag napagwagian nila ito para sa kani-kanilang kampanya sa World Championships.
"Parang paghahanda na rin naming mga Pilipino ito. Siyempre, kung manalo ang isa sa amin, mas maganda ang tsansa Cardiff," pahayag ng 48 anyos na si Reyes na kampeon sa World Championship noong 1999.
Kasama ni Reyes ang mga kababayang sina Francisco Django Busta-mante, Warren Kiamco at Antonio Lining sa single round robin tournament na may race-to-seven alternate break format.
Ang World Championships ay nakatakda sa July 12 at aalis ang RP contingent sa July 9.
Samantala, ibinulsa naman ni Jose Amang Parica ang titulo sa Seminole Senior Open.
Dinaig ng Pinoy pool player si Dick Lane, 13-8 sa final round ng naturang torneo na ginanap sa Naples Beach Hotel sa Florida.
Ito ang ikalawang tagumpay ni Parica sa US ngayong taon. Una siyang nagwagi sa Derby City Classic One Pocket Division.