POC makikipagtulungan na sa PSC para sa tagumpay

Para sa ikabubuti ng sports sa bansa, minabuti na ng Philippine Olympic Committee (POC) na magpakumbaba sa Philippine Sports Commission (PSC) upang tapusin na ang anumang hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga pinuno ng naturang ahensiya.

Ito ang nakatakdang simulang gawin ni POC vice-president Steve Hontiveros ng bowling na siyang mamamagitan upang wakasan na ang sigalot sa pagitan nina PSC Chairman Eric Buhain at POC president Celso Dayrit.

"I think it should settle down. We should work together for the good of the Philippine sports, hindi ‘yung konting bagay lang hindi na nagkakasundo," ani Hontiveros kahapon."Magtulung-tulong tayo lahat."

Itinakda ni Hontiveros ang pakikipagpulong ng POC sa PSC sa susunod na linggo.

Matatandaan na nagsimula ang alitan ng dalawang nabanggit hinggil sa nais ni Buhain na tanging ang mga silver medalists lamang sa 2001 Kuala Lumpur, Malaysia SEA Games at silver medalists sa Busan Asian Games ang dapat na ipadala sa darating na 22nd Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam ngayong Disyembre.

Ito ay sinalungat ni Dayrit sa pagsasabing bahala na ang mga hepe ng National Sports Association (NSAs) ang siyang magpadala ng kani-kanilang mga atleta na kung sa tingin nila ay karapat-dapat na makasungkit ng medalya sa SEAG. (Ulat ni Maribeth Repizo)

Show comments