Sinabi ni Sen. Barbers, chairman ng senate committee on games, amusements and sports, lagda na lamang ng mga miyembro ng komite ang kinakailangan para mailabas na ang rekomendasyon nito ukol sa mga inimbestigahang Fil-foreign players ng PBA.
Ayon kay Barbers, hindi niya puwedeng ibunyag ang nilalaman ng kanyang committee report sa isinagawang imbestigasyon nito sa mga dayuhang manlalaro na inireklamo ng mga local players na peke ang pagiging Filipino.
"May mga drastic recommendations, may mga continuance of investigation, pero hindi ko pa puwedeng i-reveal ang rekomendasyon dahil wala pang pirma ang mga senador na miyembro ng komite," wika pa ng mambabatas.
Idinagdag pa nito, ilalabas na lamang niya ang rekomendasyon ng kanyang komite ukol sa isinagawang imbestigasyon sa mga Fil-shams sa PBA sa pagbubukas ng sesyon sa July 28 upang malagdaan muna ng mga miyembro ang report.
Magugunita na kabilang sa mga inimbestigahan ng Senado ay ang mga Fil-foreign players na sina Dorian Peña ng San Miguel, Paul Asi Taulava ng Talk N Text, Eric Menk, Jonathan Ordonio, Andy Seigle at iba pang Fil-Ams sa PBA.
Nagtungo pa ang investigating team na binuo ni Sen. Barbers sa mga lalawigan upang beripikahin ang mga isinumiteng birth certificate, death certificates at iba pang dokumento na inaangkin ng mga Fil-sham players na kanilang mga kaanak. (Ulat ni Rudy Andal)