Phil.Star kontra Red Bull Barako para sa titulo

Umaatikabong bakbakan ang inaasahan ngayon para sa titulo ng Coke Light Invitational Basketball Championships kung saan nakatakdang magharap ang Red Bull Barako at host Phil. Star sa winner-take-all match para sa korona.

Ang laban ay nakatakda sa ganap na alas-11 ng umaga.

Inaasahang ibubuhos ng Starmen ang kanilang 100% performance upang makamit ang titulo bukod pa sa paghihiganti sa Barakos na siyang tanging tumalo sa kanila sa eliminations, 96-76.

Bagamat dehado sa laban, tiyak na magbibigay ng mabigat na hamon sina Ver Roque, Jonjon De Guzman, Cris dela Cruz, Rene Recto, Ran-del Reducto, Alfred Bartolome, Mario Geocada at Bong Martinez upang masugpo sina Francis Raushmayer, Erwin Velez, James Sy, Kirk Collier, Jojo Villapando at Vincent San Diego.

Mauuna rito, magsasagupa naman ang PLDT at CAR Inc. para sa kon-solasyong ikatlong puwesto sa ganap na alas-8 ng umaga.

At upang mabigyan ng magandang break ang championship match, maghaharap naman ang San Miguel Corporation All-Star North at South sa isang exhibition match sa alas-9:30 ng umaga sa torneong inorganisa ng The Philippine Star na naglalayong itatag ang pagkakaibigan sa pagitan ng mga advertisers.

Maglalaro para sa SMC All-Star North sina Pido Jarencio, Richie Ticzon, Chito Loyzaga, Ronald Magtulis, Jolly Escobar, Hector Calma, Ato Agustin, Nandy Garcia, Peter Martin at Boy Valera habang nakalinya naman sa SMC All-Star South sina Tony Boy Espinosa, Ric ric Marata, Mike Mustre, Jay Mendoza, Lowell Briones, Noynoy Falcasantos, Zaldy Realubit, Mike Orquillas, Henry Fernandez at Peter Naron.

Samantala, ihahayag naman ang mapipiling Most Valuable Player at ang miyembro ng Mythical Five kung saan mismong si Genju Lapez, presidente ng Coca-Cola Philippines Bottlers Inc. ang magbibigay ng mga tropeo.

Show comments