At kamakalawa, pormal na kinilala ng liga ang kanyang kahusayan nang siya ang kauna-unahang manlalaro na tumanggap ng Most Valuable Player award ng PBL: 20 Years and Beyond.
Sumandig sa kanyang talento, hardwork at determinasyon, natupad ng Lyceum graduate ang kanyang pangarap sa kanyang debut na nagkaloob sa kanya para mapabilang sa isa sa mga naging supertstars ng liga.
Ang kanyang basketball career ay nagsimula nang dalhan siya ng kanyang ama na si Nardo ng isang regalo pagdating nito galing ng Saudi Arabia. Ang unang bolang ito ang nagbigay sa kanya ng inspirasyon sa kanyang pangarap at ito ay nananatiling nakatago sa kanyang memorabilia locker.
"Yung bolang iyon ang naghubog ng pangarap ko. At nakatago pa rin yon hanggang ngayon. Nagustuhan ko yung paglalaro ng basketball. Sa probinsiya kasi, yung mas matanda sa akin, umaga at hapon kung maglaro kaya tuwing tanghali ko sinosolo ang basketball court namin," wika ni David.
"Medyo tutol ang Nanay Lilia ko. Minsan nagagalit siya kung saan saan ako nayayang maglaro. Pero tuloy pa rin ako, trying to create a style of my own."
Mahigpit ang pagtutol ng kanyang ina na lumaro si David ng basketball at ito ang isa sa kundisyon kung bakit siya pinayagang ipursige ang kanyang pag-aaral sa Manila. pero sa kabila ng mga pagbabawal, nananatili pa rin ang kanyang pagnanais na maglaro ng basketball.
Nagsimula ang mundo ng kanyang basketball nang maglaro siya sa intrams at nagustuhan naman ni coach Jun Marquez ang kanyang performance na siyang humasa sa kakayahan ni David.
Dito siya tinawagan ng FEU upang mag-try-out, pero dahil sa isang taon na lamang ang kanyang tatapusin, minabuti ni David na manatili sa Lyceum at dito niya nakilala si coach Bay Cristobal na nagbigay sa kanya ng malaking break.
Dahan-dahan, pero sigurado ang ginawang paghulma ni Cristobal kay David na nagsimulang gumawa na ng pangalan sa National Capital Region Athletic Association (NCRAA) at napili rin siya para sa selection na lalahok sa Malaysia at Taiwan.