Abay certified box-office hit ang Crispa-Toyota Reunion Match at para bang tumigil sandali ang pag-inog ng mundo at nakalimutan ng lahat ang kanilang problema dahil dito. Hindi ako magugulat kung maging ang television rating ng PBA sa araw na iyon ay tumaas.
"Kundi pa dahil sa Crispa-Toyota ay hindi makaka-experience ang PBA ng ganitong klaseng awareness sa mga fans," pagpapatuloy ng kaibigan ko.
Kaya naman marami ang humihiling ng rematch sa pagitan ng dalawang makasaysayang koponang ito. Pero medyo malalabusaw lang siguro ang impact ng Reunion Match kung magkakaroon kaagad ng rematch. Sa isang taon na lang siguro, kung sakali.
Ang tutoo niyan ay binuhay ng Crispa-Toyota Reunion Match ang damdamin ng mga dating basketball fans na medyo dumistansiya muna sa PBA nitong mga nakaraang taon. Kasi ngay napakarami talaga ng fans ng dalawang koponang ito na siyang bumuhay sa liga sa mga unang taon.
Pero siyempre, hindi lang naman Crispa at Toyota ang pinanood noong araw, eh. Kahit paanoy mayroon din namang following ang ibang pioneer teams ng PBA gaya ng Yco at San Miguel Beer.
At matapos na mapanood sina Jaworski, Adornado at mga kasama nila noong Biyernes, marami ngayon ang nagsasabing hangad din nilang mapanood naman ang iba pang dating players ng PBA.
Halimbaway yung mga fans ng Yco na noong nasa MICAA ay siya talagang sinusundan. Nais din nilang mapanood ang mga katulad nina Freddie Webb, Joy Cleofas, Marte Samson at iba pa.
O di kaya yung mga fans ng San Miguel Beer. Nais din nilang mapanood ang mga tulad nina Manny Paner, Yoyong Martirez, Dave Regullano, Estoy Estrada at iba pa.
Kasi nga, kung wala yung mga ibang koponang kalahok sa PBA, hindi rin naman sisikat o magsu-survive ang liga, e. Hindi naman puwedeng Crispa at Toyota lang ang maging miyembro ng liga at nagkaroon sila ng best-of-21 games at best-of-101 games. Hindi rin papanoorin ito at hindi rin makakamit ng Redmanizers at Tamaraws ang imortalidad nila.
Ika ngay importante rin naman yung ibang koponan at ibang manlalaro na nakapag-ambag sa popularidad na ngayoy tinatamasa ng PBA.
Kaya nga ngayon ay may nagmumungkahi na sana sa susunod na reunion match ay makabilang din ang ibang oldtimers ng PBA.
Ang suggestion ay pagsamahin ang mga players ng Crispa at Toyota sa isang koponan laban sa isang selection na bubuuin ng "The Rest of the PBA."
Baka maging box-office hit din ito.