"Ito ang pinakamimithi ko. Im so very happy. Ito ang pinakamasaya sa buong buhay ko dahil natupad din ang pangarap ko," wika ng Pangasinenseng si Querimit na nagbulsa ng P200,000.
"Inaalay ko sa mga kababayan ko ang panalo kong ito," anang 27 anyos na si Querimit na tubong-Pozzurubio. "Matagal nang walang champion mula sa Pangasinan. Salamat at naging champion ako."
Matapos ang 15-stage, 18-days race na may kabuuang distansiyang 2,462.10 kilometro, si Querimit ay may kabuuang oras na 55 hours, 29 minutes at 20 seconds, may limang minuto at 20 segundong abante sa pumangalawang si Merculio Ramos ng Samsung at 5:38 minutong layo kay Warren Davadilla ng Intel na kapwa niya kasamahan sa National team.
Si Ramos ay nagsubi ng P100,000 at P75,000 naman kay Davadilla.
Hindi rin nakawala sa Intel ang tumataginting na P1 million team prize habang pumangalawa ang Postmen para sa kalahating milyong pisong premyo at P200,000 naman sa Samsung na nag-third place.
At hindi naman nagpabaya si Bernard Luzon nang sungkitin nito ang kanyang ikatlong Stage win na back-to-back win din niya nang pangunahan nito ang Luneta Circuit leg ng karerang hatid ng Air21.
Tumapos si Luzon bilang no. 7 overall na may P25,000.
Nagtapos naman na 4th place overall si Rhyan Tanguilig ng Pagcor Sports at nagbulsa ng P50,000 habang ang 5th placer ay si Ronald Gorrantes ng EcoSaver (P40,000) at sixth placer naman si Enrique Domingo ng Postmen (P30,000).
Si Domingo din ang tinanghal na "Sprint King" na may nakalaang P30,000 premyo at isang Longines wristwatch na nagkakahalaga ng P40,000.