RP pugs lilipad patungong Finland

Aalis ngayong araw ang anim na miyembro ng RP Revicon patungong Helsinki, Finland upang sumabak sa 6th Gee Bee Turnaus International Boxing Championships, ang unang international stint ng national boxers sa taong ito bilang kanilang buildup para sa nalalapit na Southeast Asian Games sa Vietnam.

Pangungunahan ng beteranong internationalist Violito Payla ang kampanya ng koponan na pinagsamang kabataan at may karanasan na umaasang maipagpapatuloy ang mayamang tradisyon na tagumpay ng mga Pinoy sa Finnish tournaments, isa na rito sa maraming naipanalong laban ay sina Roel Velasco, Sonny Dollente at mismong si Payla.

Nagwagi si Payla ng flyweight gold medal noong nakaraang edisyon ng naturang event nang kanyang talunin ang kababayang si Harry Tanamor sa finals.

Ang iba pang miyembro ng koponan na suportado ng Philippine Sports Commission, Revicon at Pacific Heights ay sina bantamweight Ferdie Gamo, featherweight Junard Ladon, lightweight Esmael Baco-ngon, light welter Florencio Ferrer at middleweight Maraon Golez.

Ang koponan ay sasamahan nina national coaches Gregorio Caliwan at Nolito ‘Boy’ Velasco at international referee/judge Jesus San Esteban.

Sina Payla, Gamo at Golez ay pawang galing sa nakaraang Asian Games sa Busan.

Si Gamo ay isa ring medalists sa tournament na ginanap sa Bosnia noong nakaraang taon, habang si Golez ay nag-uwi ng gold sa North Korea.

Ipadadala rin ng ABAP ang kanilang mga boksingero sa tournaments sa Spain, Lithuania at Greece ngayong taon.

Show comments