May 48 oras pa lang ang nakakalipas sapul ng dumating ito sa bansa, lakas-loob na sinabi ni Yeshmangbetov na pababagsakin niya ang Filipino boxing hero na si Manny Pacquiao sa ikatlong round ng kanilang non-title fight na nakatakda sa Sabado sa Luneta Park.
"Ill knock him (Pacquiao) out in three rounds," ani Yeshmangbetov na dumating noong Martes ng gabi.
Masyadong matapang ang pahayag na ito para sa Kazakh boxer na may record na 13-9-1 (win-loss-draw) at may 9 knockouts kumpara sa impresibong 35-2-1 slate at 27 stoppage ni Pacquiao.
"Makikita natin ang tigas niya (Yeshmangbetov) sa Sabado," ani Pacquiao na talagang ng sisikaping makuha ang panalo para makadagdag sa kanyang kumpiyansa para sa mga susunod na laban.
"Hindi ako natatakot sa kanya dahil panay ang practice ko ngayon."
At siyempre hindi ako puwedeng magpatalo dahil ayaw kong makita ang mga kababayan ko na manonood sa akin na uuwing malungkot, gusto ko masaya sila at nakangiti sa pag-uwi sa kani-kanilang bahay," dagdag pa ni Pacquiao.
Ngunit kumpiyansa din si Danny Leigh, ang Australian manager ng Kazakh.
Ang laban ay para sa benepisyo ng Boystown of Manila at disabled Filipino Boxers na suportado nina First Gentleman Mike Arroyo at Manila Mayor Lito Atienza.