National Pool sasagupain ng Montana

Makakaharap ng RP National Pool ang Montana Jewels, habang sasagupain naman ng Challenge Cup protagonists Welcoat Paints ang Hapee Toothpaste sa isang dream match ngayon sa pagbubukas ng PBL Outreach Tour sa Makati Coliseum.

Ang nasabing event ay inorganisa bilang pre-season tune-up games para sa mga PBL teams at ang mas importante ay mabigyan ang RP Candidates Pool ng exposure at training na kanilang kailangan para sa preparasyon sa tatlong major international tournaments ngayong taon--Southeast Asian Basketball Association (SEABA) Men’s Championship sa Abril, Asian Basketball Confederation (ABC) Men’s Championship sa September at Southeast Asian Games sa Vietnam ngayong Disyembre.

Hindi pa inihahayag ni RP head coach Aric del Rosario ang pangalan ng final 12 na bubuo sa national team at ang nasabing serye ang siyang magiging final na basehan para sa kanyang desisyon.

Inaasahang ibubuhos ng Nationals ang kanilang buong lakas kontra sa Jewelers na umiskor ng sorpresang 69-62 tagumpay kontra sa Welcoat Paints sa kickoff ng RP-US Goodwill series noong nakaraang Pebrero 22 kung saan nagbigay si Topex Robinson ng court leadership at nanalasa naman sina Jon Dan Salvador at Dondon Mendoza.

Show comments