PBA makikipagpulong sa GAB ukol sa utang

Nakatakdang makipagpulong ngayon si Philippine Basketball Association Commissioner Noli Eala sa Games and Amusements Board ukol sa di pa nababayarang utang ng PBA.

Magsisimula ang meeting tungkol sa buwis mula sa radio at tv co-verage na umabot sa mahigit P3 milyon sa alas-11:00 ng umaga sa tanggapan ng GAB.

Inaasahang tatalakayin ng magkabilang panig kung paano babayaran ng PBA ang utang na umabot na sa P3,336,445.53 mula pa noong l999.

"Ang nangyari kasi, ‘yung 3% na share of income ng gobyerno ay ipinatong nila sa utang nila noong 1999 kaya lumaki ang kanilang arrears," pahayag ni GAB division chief for basketball Vicente Villanueva.

Kabilang sa naturang utang ay ang naiwan ng Viva-Vintage noong 1999 na mahigit sa P1 milyon na nadagdagan ng ilang buwan nang di nababayarang tax ng PBA.

Ang PBA ay hindi nakakapagbayad ng P660,000 bilang monthly obligation mula sa tatlong porsiyentong share ng GAB sa kita ng PBA, simula pa ng Abril ng nakaraang taon.

"Nagpadala na kami ng letter kay PBA Commissioner Noli Eala pati na kina PBA Chairman Jun Cabalan at Treasurer Lito Alvarez regarding this matter," pahayag ni Villanueva.

Ipinaubaya naman ng GAB sa PBA kung papaano nila babayaran ang utang na ito na siya nilang tatalakayin sa meeting ngayon.

"Gusto kasi naming malaman kung ano ang status ng monthly obligation ng PBA sa GAB. Depende na sa kanila kung papaano nila ise-settle ang obligasyon nila," dagdag pa nito.

Kumpiyansa naman si Eala na mareresolba ang problemang ito sa kanyang pakikipagpulong sa GAB ngayong umaga.

"I think this is just a small accounting matter na hindi naman dapat na palakihin pa because I really believe we can settle this," wika ni Eala.

Nagbanta ang GAB na posible nitong pigilan ang pagbubukas ng ika-29th season ng PBA sa Pebrero 23 matapos ipag-utos ng Malakanyang na singilin ang naturang buwis. (Ulat ni Carmela Ochoa)

Show comments