Target ng Paint Masters na ma-sweep ang Dazz Dishwashing Paste upang angkinin ang titulo ng PBL Challenge Cup.
Muling magtutuos ang Welcoat at Dazz para sa Game-Three ng kanilang titular showdown ngayong alas-5:00 ng hapon sa Pasig Sports Center.
Pagkakataon ito ni coach Leo Austria na maipagtanggol ang titulong kanyang inihatid para sa Shark Energy Drinks noong nakaraang taon.
Tsansa din ni Austria na makabawi kay coach Junel Baculi na dalawang beses siyang pinatikman ng sweep nang hawak pa ng huli ang Welcoat.
Sa di inaasahang pagkakataon, gagamitin ni Austria ang dating kopo-nan ni Baculi upang maisakatuparan ang lahat ng kanyang layunin.
Nakalapit sa titulo ang Paint Masters makaraang itakas ang 65-63 panalo kamakalawa sa Game-Two na ginanap sa Lipa Cultural Center.
Ito ang nagkaloob sa Welcoat ng 2-0 bentahe sa serye at isang panalo na lamang ang kanilang kailangan upang mapasakamay ang titulo.
Higit kailanman ay ngayon pinakakailangan ang higit sa 100 porsi-yentong paglalaro nina Romel Adducul, Eddie Laure, Paul Artadi, Ronald Tubid at Ariel Capus.
Kayod marino naman ang dapat gawin ng Dazz na pamumunuan nina John Ferriols, Allan Salangsang, Cyrus Baguio at June Peter Simon upang makaiwas sa sweep.
Sa unang laro, magsasagupa naman ang LBC Batangas at Blu Sun Power para sa deciding Game-Three ng kanilang sariling serye para sa konsolasyong ikatlong puwesto.
Magsisimula sa alas-3:00 ng hapon ang Game Three na naihirit ng Blu matapos ang 76-62 pamamayani na nagtabla ng best-of-three series sa 1-all.
Mauuna rito, ihahayag naman ang Most Valuable Player sa gaganaping awarding ceremonies na magsisimula as alas-2:30 ng hapon.
Nangunguna sa karerang ito ay ang dalawang Welcoat player na papalaot na sa PBA sina Romel Adducul at Eddie Laure.
Magkahalintulad ang nakuhang statistical points nina Adducul at Laure na 444. (Ulat ni CVO)