Hindi na sorpresa na gawing top pick para sa taong ito ng Alaska Aces ang Fil-Am na si Mike Cortez at ang no. 2 pick ay ang dating MBA star na si Romel Adducul ng Barangay Ginebra.
Medyo nasorpresa na ang mga nakasaksi ng draft sa Glorietta kahapon nang kunin ng Shell Velocity si Eddie Laure bilang no. 3 pick at hindi si Enrico Villanueva na siyang naunang napabalita gayundin ang paghugot ng Talk N Text sa Fil-Am na si Harvey Carey bilang no. 4 pick.
Palakpakan at hiyawan ang mga tao sa mga naunang apat na pick ngunit nanahimik ang crowd sa sumunod na kaganapan.
Ikalimang pipili ang Sta. Lucia ngunit umakyat lamang sa entablado ang bagong coach na si Alfrancis Chua upang ipaabot kay PBA Commissioner Noli Eala ang isang malaking sorpresa.
Ibinigay ng Alaska Aces ang kanilang star player na si Kenneth Duremdes sa Sta. Lucia kapalit ng first round at second round pick ng Realtors.
Walang naging reaksiyon ang crowd nang ihayag ni Eala sa publiko ang naganap na trade.
At ang ikalawang first round pick ng Aces ay ang isa na namang Fil-Am na si Brandon Lee Cablay.
Ikaanim na pick si John Billy Mamaril, ang anak ng dating PBA player na si Romy Mamaril ng Purefoods, habang ikawalong pick naman si Villanueva ng Red Bull.
Kinuha naman ng Coke si Reynell Hugnatan bilang 9th pick.
Nakadalawang first round pick din ang Phone Pals matapos i-trade si Don Camaso sa Aces at kanilang pinili si Jimmy Alapag para sa ika-10th pick.
Sa ikalawang round, unang pumili ang Ginebra na kumuha kay Sunday Salvacion habang ika-12th pick overall naman ang isa pang MBA star na si John Ferriols ng FedEx Express. Si Adonis Sta. Maria naman ang 13th pick ng Shell, 14th pick si Cyrus Baguio ng Red Bull, 15th pick ang Fil-Am na si Eugene Tejada ng Realtors, 16th pick si Ronald Tubid ng Shell, 17th pick si Rysal Castro ng Red Bull, 18th pick si Arnold Calo ng San Miguel, 19th pick ng Red Bull ang Fil-Am na si Vincent San Diego habang si Leo Bat-og ang kumumpleto ng 2nd round picks para sa Alaska. (Ulat ni Carmela Ochoa)