Kahit paanoy hindi naiwasang tumulo ang luha sa pag-alala ng masasayang nakaraan at kung paano iginiya nina Bernardino at Barrios ang liga sa ibat-ibang hamon ng panahon. Pero siyempre, may tawanan din naman.
Katunayan, siniguro ni Ronnie Nathanielsz na siyang nagsilbing emcee ng pagtitipon na magiging masaya ang affair sa pamamagitan ng pasundot-sundot ng mga bagay na magpapataba ng puso o magpapakiliti sa damdamin.
Sa isang remark ni Nathanielsz, nasabi niya na ngayong mawawala na sina Bernardino at Barrios at siya naman ay malamang sa hindi na magiging bahagi ng broadcast team ng PBA sa isang taon, baka magtayo na lang sila ng bagong liga na tatawaging B-B-N. At nang magsalita si SunkistTeam manager Elmer Yanga na ngayon ay sa Philippine Basketball League na lamang napagkikita matapos na maipagbili ng Concepcion franchise ang kanilang koponan sa San Miguel ay hinabaan na ni Nathanielsz ang acronym at sinabing BBNY naang itatawag sa bagong liga.
Siyempre, joke lang ito.
Pero marami din ang nag-iisip. Ano kayay magkatutoo ang pagbuo ng isang bagong liga na pangungunahan nina Bernardino at Yanga. Tutal naman ay mayroong mga iba pang kumpanya na nagnanais ng exposure subalit hindi gustong gumastos ng sinlaki ng ginagastos ng kasalukuyang miyembro ng PBA.
Baka posibleng magkaroon ng isang liga na hindi kasing gastos o kasing bongga ng PBA subalit mayroong pangako ng pag-asenso. Isang alternative professional league, ika nga!
Kasi nga, noong isinilang ang Metropolitan Basketball Association ay nakita naman ng lahat na puwedeng mag-exist ang isa pang professional league kung tama lamang ang direksyong tatahakin nito. Marahil ay nagkamali lamang ang MBA dahil sa hinangad nitong itumba ang isang institusyong kagaya ng PBA na mahirap talagang tibagin.
Maraming nagsabi na dapat ay nakuntento ang MBA sa pagiging isang strong second professional league o isang strong alternative! Siguro, kung ito ang direksyong tinahak ng MBA, baka buhay pa ang ligang ito hanggang ngayon at hindi tumiklop.
So, puwede nga bang magbuo ng panibagong liga sina Bernardino at Barrios?
Puwede siguro. Pero hindi nila ito dapat gawin. Dapat siguroy tulungan nila ang bagong commissioner na si Noli Eala sa lalong pagpapatatag ng PBA.
Mahirap naman yung sina Bernardino at Barrios ay naging bahagi ng pagpapalakas ng PBA pero sa dakong huli wawasakin nila ang institusyong tinulungan nilang umunlad!
Joke nga lang iyon.