Isang kamalian ang siguradong magtutulak sa sinumang koponan sa maagang pagbabakasyon kayat ito ang pakakaiwasan ng Sta. Lucia na haharap sa Coca-Cola sa alas-3:45 ng hapon, gayundin ang Talk N Text na sasagupa naman sa Alaska Aces sa alas-5:45 ng hapon.
Ang mananalo sa labang ito ang siyang uusad naman sa semifinals kung saan naghihintay na ang Batang Red Bull at San Miguel Beer.
Nagawang okupahan ng Realtors ang ikaapat at huling quarterfinals berth nang kanilang dispatsahin ang Shell Turbo Chargers sa do-or-die match nila noong Miyerkules.
Galing sa dalawang krusiyal na panalo, siguradong mataas ang morale ng tropa ni coach Norman Black sa kanilang pagharap sa Tigers kung saan muling ipaparada ng Realtors ang tambalang Dennis Espino at Marlou Aquino na siyang naging malaking susi para pigilan ang Shell sa opensa.
Bukod sa dalawang nabanggit, kukuha rin ng malaking tulong ang Realtors mula sa mga balikat nina Gherome Ejercito, Christopher Tan, Paolo Mendoza, Gerard Francisco, Omanzie Rodriguez at Marvin Ortiguerra.
"We have to somehow find the energy for our game against the Tigers," pahayag ni coach Black. "We may be tired but we have the momentum and the confidence after winning two tough games against two strong teams. Its one more step on the long road (to the championship). But were confident we can get there," dagdag pa ni Black.
Ngunit siguradong ihaharang ng Tigers ang kanilang matinding game plan kung saan gagamiting sandata ni coach Chot Reyes ang kanilang bilis upang makapag-penetrate ang kanilang maliliit na tao sa labas ng perimeter area.
Sa kabilang banda naman, palaliman naman ng bench tactician ang tampok sa sagupaan ng Aces at Phone Pals.
Bagamat mas angat sa karanasan si coach Tim Cone, gagamitin na-man ni coach Paul Wool-pert ang kanyang mahusay na sentro sa katauhan nina Asi Taulava, Gilbert Demape, Vic Pablo at Paul Alvarez, habang ipaparada naman ng Aces para tapatan ang mga nabanggit sina Kenneth Duremdes, John Arigo, EJ Feihl, Don Allado at Ali Peek. (Ulat ni Maribeth Repizo)