7 atleta naglalaban para sa PSA Athlete of the Year

Isang world boxing champion, apat na international title holders at tatlong Asian Games gold medalists ang nominado para sa 2002 PSA Top Sportsman at Top Sportswoman of the Year na bibigyan parangal sa PSA Annual Awards na nakatakda sa Jan. 10 sa Holiday Inn Manila.

Ang mga maglalaban-laban para sa Top Male Athlete Award ay sina boxing champion Manny Pacquiao, ang bowling tandem nina Paeng Nepomuceno at RJ Bautista at billiards champions Francisco ‘Django’ Bustamante at Efren ‘Bata’ Reyes. Nominado naman para sa Top Female Athlete Award ay sina equestrienne Mikee Cojuangco-Jaworski, bowler Liza del Rosario at junior golfer Dottie Ardina.

Ayon kay PSA president Roberto D. Cuevas, pipili na ang mga regular member ng nasabing asosasyon ng top male at female awardees sa isang secret balloting ngayong linggo.

Inimbitahan ang Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na maging panauhing pandangal at tagapagsalita sa Awards Night.

Napanatili ni Pacquiao ang International Boxing Federation super bantamweight title sa kanyang ikatlong pagdedepensa kontra Thai challenger Fahprakorb Rakkiat-Gym noong nakaraang October.

Show comments