^

PSN Palaro

Welcome back, Sunkist

FREE THROWS - AC Zaldivar -
MAY pitak talaga sa puso ni Joey Concepcion III ang basketball kung kaya’t kahit na naibenta na ang prangkisa nito sa PBA ay hindi pa rin tuluyang nawala sa eksena ang RFM. Hindi nga ba’t ang Selecta ang siyang nag-sponsor sa Philippine team na pumang-apat sa basketball competitions ng 14th Busan Asian Games? At Selecta din ang sponsor ng kasalukuyang PBA All-Filipino Cup.

Puwes, marami ang natuwa nang magbuo ng koponan ang RFM at magbalik sa Philippine Basketball League (PBL) kung saan nagsimula ang kumpanyang ito. Hindi nga ba’t isa ang RFM sa founding members ng PBL at naglaro pa nga si Joey sa unang torneo nito.

Matapos ang halos isang dekadang pagkawala sa PBL ay bahagi silang muli ng premiere amateur league ng bansa. Noong Huwebes ay nagpugay ang Sunkist Orange-Pampanga sa PBL Challenge Cup subalit nakalasap ng mapait na 97-74 pagkatalo sa nagtatanggol na kampeong Cheese Balls-Shark.

Hindi naman masyadong nagdamdam ang team manager na si Elmer Yanga sa nangyari. Kasi nga, hindi naman nagkaroon ng sapat na panahon ang RFM para buuin ang isang powerhouse team.

Ipinaliwanag ni Yanga na naging abala siya sa RP team sa Busan at pagkatapos ay nagtungo siya sa Estados Unidos. Kaya naman upang magkaroon lang ng koponan na sa tingin niya ay magiging competitive ay minabuti na lamang ng RFM na kunin ang core ng University of the East Warriors na nakarating sa Final Four sa nakalipas na University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Men’s Basketball tournament.

Pero nagkaganoon ma’y hindi pa rin matindi ang line-up ng Sunkist. Kasi nga, hindi naman nila nakuha sina Paul Artadi at Ronald Tubid na naglalaro sa Welcoat. Bagamat nasa line-up nila si James Yap ay hindi pa ito nire-release ng ICTSI La Salle.

Ang mga UE Warriors na napasama sa line-up ng Sunkist ay sina Ollan Omiping, Jhayson Alminario, Charles Tan, Arnold Booker, Philip Butel, VJ Santos, Jay-Ar Estrada, Dean Hubalde at Rolly Masbang. Sa mga ito tanging sina Estrada at Booker ang may previous PBL experience.

Upang kumpletuhin ang line-up ay kinuha din ng Sunkist sina William Wilson, Arjun Cordero, Willy Mejia, Rolly Menor, at Cholo Medina. Gaya ni Yap ay may problema din si Menor dahil sa hawak ng Montana Pawnshop ang kanyang rights.

Bukod sa problema kina Yap at Menor, mas malaki ang problema ng Sunkist pagdating sa coach. Kasi nga, tila hindi pinapayagan ng UE si David Zamar na hawakan ang Sunkist. Kaya naman ang assistant coach niyang si D’jalma Arnedo ang siyang tumayong interim head coach ng Sunkist noong Huwebes.

Buweno, napakaraming gusot na dapat plantsahin ang Sunkist sa pagbabalik nito sa PBL. Pero hindi naman nasisira ang loob ni Yanga.

Alam kasi niyang ang lahat ng ito’y pagsubok lang at bahagi ng muling pagsisimula. Kumbaga’y nais ng Sunkist na magkaroon ng long-term program sa PBL. Hindi nagmamadali ang koponang ito na mamayagpag kaagad. Kung makasilat ang Sunkist sa kasalukuyang conference, ayos. Kung hindi naman, okay lang din.

Pero hindi magtatagal ay titindi din ang line-up ng Sunkist. Hindi papayag sina Concepcion at Yanga na manatili sa ibaba ng standings ang kanilang koponan sa matagal na panahon!
* * *
BELATED birthday greetings kay Angela Pascua-Revilla na nagdiwang kahapon, Nobyembre 8.

ALL-FILIPINO CUP

ANGELA PASCUA-REVILLA

ARJUN CORDERO

ARNOLD BOOKER

AT SELECTA

KASI

PERO

SUNKIST

YANGA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with