Alvarez, lalaro na sa Phone Pals

Magbabalik aksiyon ang ‘Mr. Excitement’ na si Bong Alvarez mata-pos ang masalimuot na relasyon kay head coach Derek Pumaren ng FedEx Express.

Ngunit sa pagkakataong ito, isusuot ni Alvarez ang uniporme ng Talk ‘N Text sa kanyang debut game sa Selecta-PBA All- Filipino Cup sa out-of-town Game ng Phone Pals sa Laoag City kontra sa Purefoods TJ Hotdogs.

Si Alvarez ay tatanggap lamang ng P50,000 kada buwan ngunit nag-papasalamat ito sa Phone Pals at binigyan siya ng pagkakataong muling makapaglaro.

"Nagpapasalamat ako sa Talk ‘N Text sa pagkakataong ito," wika ng 6’0 guard na si Alvarez.

Ito ang ikalawang koponan ni Alvarez matapos maglaro sa MBA. Kinuha ito ng bagong saltang FedEx ngunit nagkaroon ito ng problema kay coach Derek Pumaren na siyang dahilan ng kanyang pagli-leave of absence.

Bagamat nais pa nitong maglaro sa FedEx kung saan tumatanggap ito ng P150,000 na suweldo kada-buwan, wala itong puwesto sa line-up para sa All-Filipino Cup.

Dalawang buwan lamang ang kontrata ni Alvarez sa Phone Pals gayundin ng unrestricted free agent na si Jercules Tangkay na naglagay kina Elmer Lago at Gabby Cui sa reserve list.

Samantala, muling binuhay ng ilang manlalaro ng Philippine Basketball Association ang PBA Players Union sa kanilang isinagawang pagpupulong sa Shangri-La Coffee shop kamakalawa ng gabi.

Pinangunahan nina Jojo Lastimosa at Alvin Patrimonio ang dalawang oras na meeting kung saan lahat ng koponan ng PBA ay may kinatawan at lumikha ng interim board na binubuo ng dalawang players sa bawat teams.

Ang board na ito ang gagawa ng aksiyon ukol sa Players' Trust Fund na wala nang nakakaalam kung magkano na ang naiipong halaga at kung sino ang may hawak.

Sa unang laro, pumukol si Rob Duat ng triples sa huling 1.2 segundo upang isalba ang Alaska Aces sa 85-84 panalo kontra sa FedEx Express.

Show comments