^

PSN Palaro

Masakit na kabiguan ng RP-5

SPORTS LANG... - Dina Marie Villena -
BUSAN, South Korea – Parang namatayan ng isang kamag-anak ang munting grupo ng mga Filipino na nanonood sa Sajik gymnasium nang lasapin ng Philippine basketball team ang isang nakapanghihinayang na 68-69 kabiguan kontra sa South Korea.

Panay buntunghininga, paghikbi at tulala ang mga players, coaching staff, Filipino reporters at supporters sa nangyari.

At sino ba sa inyo, lalo na sa mga nakapanood sa kanilang TV sa Maynila ang hindi matutulala sa nangyari?

Akalain mo, 5 segundo na lang ang namamagitan at atin na ang karapatang muling harapin ang China sa finals pero nakawala pa.

Tsk, tsk, tsk. Nakakalungkot talaga!
* * *
Habang nanonood kami mismo doon sa Sajik gymnasium, isang hilera ng mga Filipino sportswriters na binubuo nina Al Mendoza ng Inquirer, Ding Marcelo ng Bulletin, Francis Ochoa ng Today, Reira Mallari ng Standard, Tito Talao ng Tempo, Lito Tacujan ng Philippine Star, Fidel Mangonon ng Abante Tonite, Ernie Gonzales, Rhea Navarro at Rickie Santos ang naghiyawan, nagtayuan sa upuan at nagisigaw ng maikunekta ang magkasunod na three-pointers na pinakawalan nina Dondon Hontiveros at Olsen Racela na naglagay sa trangko sa 68-66 may 23 segundo na lang.

Sa sobrang excitement, hindi na halos napuna na nagkaroon ng turnover at biglang isang three pointers din ang pinakawalan ni Lee Sang-Min na pumasok habang natulala at parang nabagsakan ng langit at lupa ang mga Pinoy.

Wala ng nakapagsalita. Naramdaman ko na lang na umiiyak na ako habang sina Olsen, Dondon at Taulava ay nakadapa sa court.

Habang patungo kami ng court nakita kong inaalalayan ni Nolan ang kanyang amang si PBA commissioner Jun Bernardino habang kasunod ko naman si Patricia Bermudez ng PTV-4 na humihikbi at pulang-pula ang mga mata sa kaiiyak.

Wala na, bumigay na ang lahat sa lungkot at nanaig ang katahimikan sa loob at kapaligiran ng dugout.
* * *
Matapos ang isang interview kay National coach Jong Uichico, sabay-sabay kami nina Lito at Reira sa pagpunta sa Main Press Center. Habang naglalakad, naghihintay ng taksi at habang nakasakay na sa taksi, walang kang marinig kay Lito kundi panay buntunghininga at salitang sayang.

"Pare, paano mo susulatin ang ganitong klaseng istorya. Masakit! Wala ako sa kundisyong magsulat," pahayag ni Lito kay Reira habang nakatingin naman ako sa ulap at naluluha-luha kapag naiisip ang masakit na nangyari.
* * *
Pagdating sa Main Press Center, nagkuwento naman si Philip Evardone ng Manila Times sa kanyang naging reaksiyon.

"Alam mo bang nanginig ang buong laman ko nang itira at pumasok ang bola," Masakit, parang sasabog ang dibdib ko," aniya pa, habang naiiling at malungkot na nakikinig sina Jimmy Cantor ng Malaya, Aldrin Cardona ng Tribune, Eddie Alinea ng Bulletin, Jun Lomibao ng Today at Virgi Romano ng Abante.

Naalala ko tuloy si Joe Antonio ng People’s Journal, nang nanonood kami ng laban ng Japan at Philippines kung saan dikdikan din ang naging laban. "Nakakasikip ng dibdib ang manood ng ganitong klaseng laban." ani Joe na halatang nagdarasal din para sa Pinoy.

Isang tunay na Filipino ka kapag ganito rin ang naramdaman mo para sa National team na nakitang nagpakahirap ng husto para lamang maihandog sa mga kababayan ang isang karangalan.
* * *
Aaay sa wakas, ilang araw na lang at uuwi na kami. Miss na miss ko na ang mga anak kong sina Lanie, LJ, Leslie at Lorraine at siyempre ang aking husband na si Rollie. Miss ko na rin ang pagkaing Filipino.

Siyanga pala nais ko lang batiin ng belated happy birthday si Abac Cordero ng Philippine Star na nag-celebrate ng kanyang birthday noong Oct. 12 dito sa Busan. Happy birthday din kay Millotte de Jesus-Caidic sa Oct. 15, sa aking sis na si Sarah sa Oct. 18, Judy Serrano (Oct. 18) at Francis Ochoa (Oct. 20).

Happy birthday din kay Ricky Yap Santos kahapon at congratulations kay Tito Talao ng Tempo dahil isa siya sa lima na masuwerteng nabunot sa raffle ng mga bumoto para sa Samsung MVP award.

CENTER

FRANCIS OCHOA

HABANG

LITO

MAIN PRESS CENTER

PHILIPPINE STAR

SOUTH KOREA

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with