Makakasagupa ng 24 anyos at 5'5 na Pinoy boxer ang defending champion na si Subban Pannon ng Thailand.
Gayunpaman, malaki ang tsansa ni Tanamor na makausad sa finals dahil kahit na defending champion ang Thai na kalaban ay may iniindang injury ang 24-anyos na si Pannon, isang Olympian.
Sakaling makausad sa finals ang kaliweteng Pinoy, nakakasiguro na ito ng silver na lalampas sa bronze medal na nakuha ng Philippines boxing team noong 1998 Bangkok Asian Games, at makakaharap ang Koreano na si Kim Ki Suk na inaasahang magwawagi sa kalabang si Mekhrody Umarov ng Tajikistan sa isa pang semifinal match ng lightflywegiht.
Umusad sa semis ang Pinoy boxer makaraang daigin si Kyaw Swar Aung ng Myanmar sa, 25-7 at isinunod si Zuo Shimming ng China, 15-13.
Ngunit higit na nagpalakas ng tsansa kay Tanamor ay ang pagsilat sa Commonwealth champion at gold medalists na si Qamar Mohammad Ali ng India sa impresibong 21-11.
"May laban si Harry (Tanamor). Kasi kahit na defending champion ang Thai ay mabagal na itong kumilos dahil sa kanyang injury," pampalakas loob ni Amateur Boxing Association of the Philippines president Manny Lopez. Ngunit hindi lang hanggang silver ang pangarap ni Tana-mor, kundi ang mailap na ginto.
Sakaling makausad sa finals si Tanamor, siya ang magiging kauna-unahang Filipino boxer na lalaban sa finals makalipas ang anim na taon. Unang nakaakyat sa finals ang Pinoy boxers noong 1994 at nag-uwi ng silver medals sina Onyok Velasco, Elias Recaido at Reynaldo Galido. (Ulat ni Dina Marie Villena)